Mga grupong makakalikasan, nanawagang ipagtanggol ang kagubatan sa Davao
Nanawagan ang mga grupong maka-kalikasan sa Davao City na permanenteng ipagbawal ang pagputol ng mga puno sa Mt. Makabol-Alikoson Conservation Area (MMACA) sa Barangay Salaysay, Marilog District, Davao City. Iginiit ng mga ito na “permanenteng ipagbawal ang pagputol ng kahoy sa lugar, pagpapalit-gamit tungong lupang agrikultural at anumang porma ng pagpapaunlad na di naayon sa klasipikasyon nito bilang Environmentally Critical Area and Conservation Zone.”
Noong nakaraang linggo, sinimulan ng naturang mga grupo ang proseso para ipadeklarang “kritikal na tirahan” ang naturang kagubatan para sa endangered (malapit nang mawala) na Philippine Eagle sa gitna ng mga bantang deporestasyon alinsunod sa Republic Act No. 9147 (Wildlife Resources Consevation and Protection Act. Nakasaad sa batas na ito na “lahat ng idedeklarang kritikal na habitat ay ipagtatanggol, katuwang ang mga lokal na gubyerno at grupo, sa anumang anyo ng pagsasamantala o pangwawasak na maaring makapipinsala sa buhay ng mga species na nakadepende sa mga ito…” Sa ngayon, nakaklasipika ang MMACA bilang “Environmentally Critical Area and Conservation Zone” sa ilalim ng Davao City Watershed Code.
Matagal nang nilalabanan ng mga grupong maka-kalikasan ang Department of Environment and Natural Resources sa Davao at ang meyor ng Davao City na si Sara Duterte-Carpio na nagpahintulot sa pagputol ng kahoy para sa paglalatag ng komersyal na plantasyon sa Sityo Falcata sa naturang barangay. Naging matagumpay ang kanilang kampanya para harangin si Ling-Ling Wu Lee, ang bumili ng lupa sa lugar, sa plano nitong pagputol ng 121 puno ng agoho, lawaan, bagtikan at iba pang matatandang kahoy sa lugar. Nawalan na ng bisa ang permit noong Enero. Gayunpaman, hindi pa rin ipinagbawal ng DENR at ni Duterte ang pagputol ng mga kahoy, at sa halip ay nanawagan lamang na “boluntaryong itigil” ng mga may-ari ng lupa ang pangwawasak sa gubat. Paulit-ulit pa ring ipinagtatanggol ng mga upisyal ng DENR ang pagbibigay ng permit.
Ang paglalatag ng komersyal na plantasyon ng saging para pang-eksport ay sentral na programa ng pamilyang Duterte, kasabwat ang mga negosyanteng Chinese.
Ang mga bundok ng Makabol at Alikoson ay hindi lamang krusyal sa suplay ng tubig sa Davao, ito rin ang tradisyunal na tirahan ng Philippine Eagle at iba pang ibon at hayop na nasa listahan ng endangered species.
Ayon sa Philippine Eagle Foundation, ang lupang paglalatagan sana ng plantasyon ng saging ay 100 metro lamang sa isang pugad ng Philippine eagle. Sa kanilang pagmonitor, 12 eagle na ang ipinanganak sa MMACA simula nang unang natagpuan ang kanilang pugad dito noong 1986.
Ayon sa mga grupo, dapat matuto mga upisyal sa gubyerno sa pinsalang dala ng pagkawasak ng kagubatan. Kabilang dito ang pagbaha sa Davao City noong Oktubre 2021 na naganap dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog at sapa hindi lamang dulot ng pagkakwari sa syudad kundi dahil din sa maling paggamit o pamamahala sa kabundukan at pagkaubos ng natitirang kagubatan.