Mga grupong pangkarapatang-tao sa Palestine, binansagang “terorista” ng Israel

,

Anim na organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao ng mga Palestino ang “itinalaga” o binansagan ng gubyerno ng Israel bilang mga “teroristang organisasyon” noong Oktubre 22. Inaakusahan ng Minister of Defense ng Israel ang anim na grupo bilang mga “prenteng organisasyon” ng Popular Front for the Liberation of Palestine, isang grupong una nang binansagang “terorista” ng US at ng mga bansa sa Europe.

Ang mga grupong ito ang Al-Haq, Addameer Prisoner Support and Human Rights Assoication, Defence for Children International Palestine, Bisan Center for Research and Development, Union of Palestinian Women’s Committees at Union of Agriculural Work Committee.

Ang mga pinangalanang organisasyon ay mga kilalang grupo sa larangan ng pagtataguyod sa karapatang-tao. Malimit silang makipagtulungan sa mga internasyunal na organisasyon tulad ng Amnesty International (AI) at Human Rights Watch (HRW). Kabilang sa mga pinangalananang grupo ay ilan na sangkot sa pagsasampa ng kasong krimen sa digma laban sa Israel sa International Criminal Court.

“Ang nakagigimbal at di makatarungang desisyon na ito ay atake ng gubyernong Israel sa internasyunal na kilusang nagtatanggol sa mga karapatang-tao. Ilang dekada nang sistematikong binubusalan ng Israel ang mga nagsusubaybay sa karapatang-tao at pinarurusahan ang mga bumabatikos sa mapaniil nitong paghahari sa mga Palestino,” ayon sa pinag-isang pahayag ng AI at HRW.

Kinundena rin ng iba pang mga grupong pangkarapatang-tao, Palestinian Authority at United Nations ang hakbang ng Israel. Umasta ring “galit” si US Pres. Joseph Biden sa designasyon, pero sinabi ng isang upisyal ng Israel na ipinaalam nila sa US ang hakbang bago ito inanunsyo. Sa araw na idineklara ang designasyon, inanunsyo rin ng Israel ang plano nitong magtayo ng libu-libong mga bahay para sa mga Isreali sa lupa ng mga Palestino sa West Bank.

Ayon sa United Nations Human Rights Office, hindi dapat ginagamit ang lehislasyong kontra-terorismo para supilin ang lehitimong gawaing pangkarapatang-tao at makatao. “Hindi mga terorista ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at hindi sila dapat sinisiraan na katulad nito,” ayon kay Mary Lawlor, UN special rapporteur on the situation of human rights defenders.

Bago nito, itinakda ng Israel na “teroristang” organisasyon ang Samiduon: Palestinian Prisoner Solidarity Network noong Pebrero. Noong Agosto, pinangalanan din nitong “terorista” ang International Legal Coalition for Palestine at ang Popular Conference of Palestinians Abroad. Ang Samiduon ay isang international na ugnayan ng mga aktibista na nakikibaka para sa mga karapatan, kagalingan at pagpapalaya sa Palestinong bilanggong pulitikal.

“Malinaw na ginagamit ng Israel bilang pamantayan na gawain at patakaran ang pagdedeklarang “terorista” sa mga organisasyon na epektibong hinahamon ang kontrol nito at nagsisiwalat sa mga krimen nito sa antas lokal, rehiyon at internasyunal,” ayon sa Samiduon. Inaatake ng hakbang na ito ang pag-oorganisa, pananaliksik, gawaing pang-agrikultura at kilusan para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal ng Palestine.

Tiyak na gagamitin ang mga designasyong ito para arestuhin ang mga tagapagtaguyod sa karapatang-tao, buwagin ang mga organisasyon at ipasara ang kanilang mga upisina o ideklara ang mga ito na “iligal” sa loob mismo ng mga okupadong teritoryo. Sa karanasan ng Samiduon, ginamit ang designasyon para likhain ang klima ng takot at buwagin ang kolektibong pakikipagkaisa, putulin ang pondo o akses sa mga bangko, at patahimikin ang mga tagapagtaguyod ng hustisya, mga karapatan at kalayaan ng Palestine sa iba’t ibang internasyunal na benyu.

Ayon pa sa Samiduon, ang mga ginawang designasyon ng Israel ay kopyang-kopya sa maka-Kanang mga organisasyon sa propaganda tulad ng NGO Monitor na naglalayong ipagtanggol ang Israel sa pamamagitan ng paninira at pang-aatake sa mga Palestinong nagtatanggol sa karapatang-tao.

AB: Mga grupong pangkarapatang-tao sa Palestine, binansagang “terorista” ng Israel