Mga Haitian, parang hayop na itinaboy ng US

Sinimulan na ng administrasyong Biden ang maramihang deportasyon o pagtapon pabalik sa kanilang bansa ng mga migrante mula sa bansang Haiti noong Setyembre 19. Itinuloy ang planong ito sa kabila ng pagprotesta ng mga nagtataguyod sa kagalingan ng mga migrante at ilang lider ng Democrats sa kongreso ng US. Binabatikos nila ang gubyernong Biden sa malupit na pagtrato sa mga migranteng Haitian na marami ay nagsisiksikan sa mga kampo na walang pananggalang sa init at lamig. Sinisingil nila si Biden na nangakong tatratuhin nang makatao ang mga migrante na hindi daw tulad ng gubyernong Trump.

Umabot sa 15,000 migranteng Haitian ang pinakahuling dumating at nagsiksikan sa isang kampo sa ilalim ng internasyunal na tulay sa Del Rio, South Texas sa US. Doon sila natutulog sa mga tent kasama ang mga bata, matanda at mga buntis. May ilan na doon na inabot ng panganganak.

Mula lamang noong unang linggo ng Setyembre, aabot na sa 30,000 ang Haitian na nagtangkang pumasok sa rutang Del Rio sa layuning magdistyero sa US. Tumatakas sila sa dinaranas nilang matinding pampulitikang panggigipit, paglabag sa karapatang-tao, krisis sa ekonomya at pandemya sa kanilang bansa. Mahigit 5,000 na ang ipinatapon pabalik sa Haiti, samantalang 12,000 ang ipoproseso sa ilalim ng hukuman sa imigrasyon.

Pinalibutan ang kampo na iyon ng mga sundalo, pulis at mga armadong bantay ng US upang pigilang makapasok ang mga Haitian na bumiyahe sa hangganang ng US at Mexico. Ipinagdiinan ng isang upisyal ng Department of Homeland Security (DHS) na hindi bukas ang timugang hangganan ng US. May kaso na nilusob ng nakakabayong mga armadong bantay ng US ang mga Haitian upang pigilan silang pumasok. Nagbabala siya na huwag tangkaing bumyahe ng mga migrante dahil lubhang delikado ito.

 

Ayon sa isang upisyal ng DHS, ang maramihang deportasyon ay gagawing tatlong byahe ng eroplano bawat araw na karaniwan magsasakay ng mga 100-120 deportee. Pero gusto ng mga upisyal ng administrasyong Biden na gawin ito hanggang walong byahe kada araw para mabilis itong tapusin. Layon ng pagmaksimisa ng deportasyon ay maibsan ang bwelo ng pagbaha ng mga migranteng Haitian sa South Texas na umaabot sa mahigit 200,000.

Nagrereklamo ang ilang Haitian sa planong maramihang deportasyon. Sabi nila, parang may dobleng patakaran ang kautusang ito. Ilang tanong nila: Bakit buong-buo ang pagtanggap ni President Biden sa mga tumakas sa Afghanistan habang sila namang mga Haitian ay maramihang tinatapon pabalik sa kanilang bansa? “Parang ayaw yata nilang makita ng mundo na itim ang aming kulay,” sabi naman ng isang migrante.

Ang dinaranas ngayon ng mga migranteng Haitian ay bunga ng malupit na patakaran ng US na kontra sa mga “iligal” na dumarating na migrante. Patuloy na ginagamit ng administrasyong Biden ang “pandemic enforcement measure” na kilalang Title 42 upang mabilisang ipatapon ang mga tumatawid sa hangganan pabalik sa Mexico o sa kanilang pinanggalingang mga bansa.

Nananawagan ang mga tagapagtaguyod ng mga migrante na suspendihin ni President Biden ang lahat ng byaheng deportasyon tungong Haiti. Ito ay sa kunsiderasyong binabayo ngayon ang islang bansa ng malalang krisis. Niyayanig ngayon ang Hati ng krisis sa pulitika matapos pinatay noong Hunyo ang presidente ng bansa (na pinaniniwalaang kagagawan ng US Central Intelligence Agency). Nitong Agosto, tumama naman ang 7.2 magnitude na lindol sa Haiti na kumitil sa hindi bababa sa 2,000 buhay.

Binatikos ni Rep. Ayanna Pressley (D-Mass.) ang paglarga ng administrasyong Biden sa maramihang deportasyon ng mga Haitian. Anya, hungkag ang sinasabi ng administrasyon na ginagawa nito ang lahat para suportahan ang komunidad ng Haitian samantalang nagpapatuloy ang hindi makatarungang pagpapabalik sa mga Haitian sa kanilang bansa.

“May obligasyong moral tayo para mamuno na may pagkahabag,” paalala ni Rep. Pressley, na kapartido ni Biden, at isa sa mga tagapangulo ng House Haiti caucus. #

 

AB: Mga Haitian, parang hayop na itinaboy ng US