Mga inendorsong senador ni Leni, di kasali si Neri
Hindi napabilang si Neri Colmenares, isa sa nangungunang kandidato ng 1Sambayan sa pagkasenador, sa hanay ng mga kandidatong dadalhin ng tambalang Leni Robredo-Kiko Pangilinan. Isinapubliko ang listahan noong Oktubre 15, isang linggo matapos maghain ng kandidatura pagkapresidente si Robredo.
Ang hakbang ay nakita ng marami bilang “snub” o pagsasaisantabi ni Robredo sa koalisyong Makabayan na matagal nang nagsisikap para mabuo ang oposisyon. Dominado ng mga kandidato ng Liberal Party ang hanay ni Robredo, ang partidong pinamumunuan ni Robredo. Kapuna-puna na isinama niya sa kanyang hanay ang mga senador na may mahabang rekord ng pakikipagtulungan kay Rodrigo Duterte, tulad ni Miguel Zubiri, Joel Villanueva at Richard Gordon (na nitong huli ay kabanggaan ni Duterte sa usapin ng korapsyon sa pagbili ng mga face shield).
Ang tatlong ito, pati na ang dating senador na si Chiz Escudero, at bise-presidente na si Jejomar Binay, ay nasa hanay din ng karibal na mga tambalang Lacson-Sotto at Pacquiao-Atienza. Sadyang 11 lamang ang inianunsyo ni Robredo na mga pangalan at iniwang bakante ang ika-12 pwesto para diumano sa “pinakamahusay na kinatawan ng inaaping sektor.” Hindi malinaw kung ano ang kinakatawan ng iba pang kandidato liban sa kanilang partido.
Ang hindi pagsali kay Colmenares ay ikinadismaya ng maraming sektor na naniniwalang isa siya sa pinakamatatag na kumilos at nanindigan laban sa tiraniya ni Duterte. Sa Twitter, daan-daan libo ang nagdala ng panawagang #WeWantNeri.
Matapos ang pag-anunsyo kahapon ni Robrero, nagpahayag ang 1Sambayan ng plano nitong magbuo ng sariling listahan ng mga kandidato pagkasenador. Ayon sa 1Sambayan, habang buo nitong sinusuportahan ang tambalang Robredo-Pangilinan, gagawa ito ng sariling “malakas” na hanay ng mga kandidato na “kakatawan” sa grupo.
Kasabay nito, nagpahayag ang grupong Makabayan na mananatili sila sa pagsusulong ng kanilang mga prinsipyo at layunin sa paglahok sa reaksyunaryong eleksyon. Sa press conference na isinagawa sa hapon ng Oktubre 15, sinabi ni dating Rep. Carlos Zarate na ginagalang ng koalisyon ang desisyon ni Robredo at mananatili silang bukas sa kanyang grupo sa kabila nito.
Ani Zarate, hindi sila natitinag ang layunin ng koalisyon na gawin ang lahat para tuldukan ang tiranikong paghahari ni Duterte at pigilan ang panunumbalik ng mga Marcos sa Malacañang. Ang mga ito ang dahilan ng pagpapatakbo ng Makabayan kina Colmenares at Elmer Labog sa Senado at muling pagtakbo ng limang partylist sa ilalim ng koalisyon.
“Mananatili kaming nakapokus sa layuning ipagtanggol ang mga karapatan at kagalingan ng mamamayan, laluna ng mahihirap at mga sektor na pinakapinababayaan, at sa pagpigil sa pagtatagumpay ng isang Duterte o Marcos sa darating na halalan,” ayon kay Zarate.
Ayon kay Colmenares, nakasandal ang Makabayan sa suporta ng iba-ibang grupo at sa mamamayan para sa progresibo at maka-mamamayang kandidato tulad niya.
Inilinaw ng Makabayan na wala pa silang iniendorsong kandidato pagkapresidente, taliwas sa ipinaggigiitan ng dating senador na si Sen. Antonio Trillanes na “inendorso” ng Makabayan si Isko Moreno.
“Hindi nagdeklara ang koalisyong Makabayan ng suporta sa sinumang kandidato pagkapresidente sa ngayon. Nananawagan kami sa publiko na maging mapagbantay sa mga pahayag na ginagawa ng mga di awtorisadong panig, kasama ang mga tahasang kasinungalingan at intriga,” anito.
Sa parehong araw ng pag-“snub” ni Robredo sa Makabayan, inilabas ni Manny Pacquiao ang sarili niyang hanay ng mga kandidato pagkasenador. Isinali niya rito kapwa si Colmenares at Labog. Sa araw ding iyon, inilinaw ni Pacquiao ang layunin niyang papanagutin ang mga Marcos at pagsuporta sa imbestigasyon ng International Criminal Court kay Duterte sakaling mahalal siyang presidente sa 2022.