Mga kaso laban sa mag-asawang inakusahang kasapi ng BHB, ibinasura
Ibinasura ng General Santos City Regional Trial Court noong Agosto 12 ang gawa-gawang kasong illegal possession of fire arms and explosives isinampa laban sa mag-asawang sina Edgar and Regina Patulombon na inaresto ng mga pulis noong 2015. Inaresto ang mag-asawa noong Hulyo 2015 sa Barangay Apopong, General Santos City matapos na akusahang mga kasapi umano ng Bagong Hukbong Bayan. Tinamnan ng dalawang .38 kalibreng pistola at dalawang granada ang kanilang bahay.
Ayon kay Judge Dennis Velasco, isinailalim ang mag-asawa sa imbestigasyon nang hindi ipinaaalam ang kanilang mga karapatan na manahimik at magkaroon ng sariling abugado. Aniya, hindi maaaring gamitin bilang ebidensya ang ektrahudisyal na pag-amin ng mag-asawa sa isinagawang imbestigasyon ng pulis. Dahil dito, nagdesisyon ang korte na ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.
Kadalasang isinasantabi ng mga pwersa ng estado na naglulunsad ng mga operasyong pag-aresto ang tinaguriang “Miranda rights” ng mga akusado. Nakasaad dito ang obligasyon ng mga operatiba na ipaalam sa mga akusado ang kanilang karapatan na manahimik at magkaroon ng sariling abugado.