Mga katotohanan ng martial law, hindi “up for debate”
Binweltahan ng kinatawan ng ACT Teachers sa kongreso ang pahayag kahapon, Mayo 31, ni Trixie Cruz-Angeles na dapat “isalang sa debate” ang mga pangyayari sa ilalim ng batas militar ng diktadurang US-Marcos Sr.
Ayon kay Rep. Frances Castro, hindi “up for debate” ang mga katotohanang nakabatay sa ebidensya at salaysay ng mamamayang nakaranas nito. Si Cruz-Angeles ang bagong talagang tagapagsalita ni Ferdinand Marcos Jr.
“Sobrang established na ng mga facts tungkol sa martial law, human rights violations at korapsyon sa ilalim ng diktadura ni Marcos Sr.” ayon kay Castro. “Kinikilala ang mga fact na ito ng buong mundo, ng ilang desiyon ng Korte Suprema at naging basehan ng ilang batas tulad ng RA 10368 and EO No. 1 sa ilalim ni dating Presidente Cory Aquino na bumuo ng Presidential Commission on Good Government.”
Aniya, ang pagpapasailalim ng mga katotohanang ito sa debate ay pagpapatuloy sa “tangka ng pamilyang Marcos sa historical revisionism at denialism.” Nakikita niyang prayoridad ni Marcos Jr. ang baguhin ang kasaysayan at itanggi ang mga katotohanan ng kalupitan ng kanyang ama para linisin ang kanilang pangalan at “burahin ang mga kasalanan at kalupitan ng kanilang pamilya.”
“Mahalaga ang mga debate para sa kritikal na pag-iisip pero hindi natin dapat pagdebatehan ang mga katotohanan (fact) para irebisa at itanggi ang ating kasaysayan,” aniya.
Nakikinita ni Castro na ang pahayag ni Cruz-Angeles ang magiging modus operandi ng papasok na gubyenro ni Marcos Jr. at ng kanyang communications team para lalupang magpalaganap ng disimpormasyon para “baligtarin ang sisi sa mga kritiko nito at sabihin na sila ang nagpapakalat ng fake news kapag nananawagan ng pagtuturo ng facts ukol sa martial law.”