Mga magbababoy, nalulunod sa baha ng imported baboy
Patuloy na bumabagsak ang kita ng mga magbababoy dulot ng todong pag-aangkat ng karneng baboy ng rehimeng Duterte. Ayon sa isang grupo ng mga magbababoy, bumagsak nang 25% hanggang 35% ang presyo sa pagbili mula sa mga magbababoy sa nakalipas na apat na linggo. Ito ay habang patuloy na tumataas ang gastos sa pag-aalaga. Ayon sa pinakahuling datos, nasa P150 kada kilo na lamang ang abereyds na bili sa kanila ng buhay na baboy (P170 sa Luzon, P140 sa Visayas, at P130 sa Mindanao). May ilang lugar din kung saan nasa P100 kada kilo lamang ang benta sa buhay na baboy.
Binabaha ngayon ng murang imported na baboy ang lokal na pamilihan na nagbaba sa tingiang presyo nito. Mula P360 at P400 kada kilo na presyo ng kasim at liempo noong Enero, nasa P280 at P340 na lamang ito ngayong buwan.
Dahil dito, napwersa ang maraming lokal na magbababoy na ibagsak ang presyo ng kanilang bentang baboy, na minsan ay mas mababa pa sa kanilang gastos sa produksyon. Nagreresulta ito sa ibayong pagkalugi ng mga lokal na magbababoy na hindi pa rin nakababawi sa malawakang pagkalugi dulot ng patuloy na pananalasa African Swine Fever mula pa 2019. Noong nakaraang taon, napwersa ang maraming babuyan na patayin ang ilampung libong baboy para sawatahin ang impeksyon. Dagdag dito ang pagsirit ng presyo ng pakain tulad ng yellow corn na tumaas nang 57%.
Ang pagbaha ng karneng baboy sa lokal na pamilihan ay ipinatupad mula Mayo 15 alinsunod sa Executive Order 134 ni Duterte. Pansamantalang ibinaba ng kautusan ang taripa sa karneng baboy at itinaas ang minimum access volume (MAV o quota sa bolyum ng produktong maaaring aangkatin) para itodo ang pagpasok ng imported na karneng baboy sa lokal na pamilihan. Ito diumano ay para ibaba ibaba ang presyo ng baboy sa lokal na pamilihan matapos manalasa ang African Swine Fever na sumalanta sa ilampung libong baboy.
Umaalma ang mga magbababoy sa kawalan ng sapat na kumpensasyon at subsidyo mula sa reaksyunaryong estado para muling ibangon ang kanilang produksyon sa harap ng ASF. Dahil kalakhan sa mga lokal na prodyuser ay maliitan at hindi kayang makipagsabayan sa benta ng mas murang imported na baboy.
Alinsunod sa nasabing kautusan, itinaas ang MAV nang halos apat na beses mula sa orihinal na 54,210 MT tungong 254,210 MT. Kasabay nito, ibinaba naman ang taripang in-quota (buwis sa pag-aangkat para sa mga produktong pasok sa itinakdang MAV) mula sa orihinal na 30% tungong 10% sa unang tatlong buwan, at taripang out-quota (buwis sa pag-aangkat para sa mga produktong lagpas sa itinakdang MAV) mula 40% tungong 20%.
Tinatayang dodoble ngayong taon ang bolyum ng imported na karneng baboy na papasok sa bansa mula 256,017 metriko tonelada (MT) tungong 500,000 MT. Ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Animal Industry, umabot na sa 389,000 MT ang inimport na karneng baboy ng bansa mula Enero hanggang Agosto. Lalo pa itong tataas sa mga darating na buwan sa pagpasok ng kapaskuhan at panahon ng eleksyon.