Mga magniniyog sa Quezon, “pinasuko” ng AFP
Umabot sa 282 magniniyog at magsasaka sa Quezon ang sapilitang pinasuko ng 201st IBde bilang mga “tagasuporta” at “kasapi” ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng rebolusyonaryong kilusan noong buwan ng Setyembre. Ayon sa National Democratic Front (NDF)-Southern Tagalog, nagmula ang mga magniniyog sa limang barangay ng Lopez at mga samahang magniniyog sa Macalelon.
Ayon sa tagapagsalita ng NDFP-ST na si Patnubay de Guia, “nagpapakasasa ang 201st Brigade sa pamumuno ni BGen. Norwyn Tolentino sa mga kikbak mula sa insentibong pabuyang P65,000 na makukuha sa bawat “mapapasukong” NPA.” Aniya, “napakagahaman ng 201st Brigade na kahit ang mga relief at pondo sa ayuda sa Quezon ay kinukulimbat nila.”
Bago nito, kinundena rin ng NDF-Eastern Visayas ang palabas na seremonya ng pagpapasuko ng AFP noong Setyembre 18 sa mahigit 100 kasapi ng organisasyong People Surge sa Biliran, organisasyong nagsusulong sa kagalingan ng mga nasalanta ng bagyo at sakuna at inabandona ng gubyerno.
Dagdag pa nito, marami na ang nilinlang ng gubyerno para “sumuko” bilang Pulang mandirigma. Makailang ulit nang naglunsad ng mga seremonya ng pagpapasuko sa prubinsya ng Northern Samar at Western Samar kung saan pinalabas ng militar at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflic (NTF-ELCAC) na mga operasyong relief ang kanilang pagtitipon, ngunit sa totoo ay “pagpapasuko” bilang kasapi ng BHB.
Ang kampanyang “pagpapasuko” ng NTF-ELCAC ay pondong pinagkukunan ng kikbak ng mga upisyal ng militar. Nitong 2021, ang badyet ng E-CLIP ay umabot sa P107.87 milyon. Sa darating na taon, nakatakdang paglaanan ito ng P109 milyon — katumas na 1,676 “pasusukuin.” Bahagi ito ng ilambilyong pisong badyet ng NTF-ELCAC at mga programang kontra-insurhensya.