Mga magsasaka ng sibuyas, luging-lugi sa baba ng presyo ng bilihan
Naiiyak na lamang sa hirap ang mga magsasaka ng sibuyas dahil sa laki ng kanilang lugi ngayong anihan. Nabubulok na sa kanilang mga sakahan o sa mga tabing daan ang kanilang mga produkto dahil sa sobrang baba ng presyo ng pagbili ng mga ito. Sa ngayon, nasa ₱30 lamang ang bilihan ng sibuyas sa mga magsasaka. Tinatayang umaabot sa ₱200,000 ang gastos sa produksyon sa bawat siklo ng pagtatanim.
Ayon sa mga magsasaka, iilang kilo lamang ang naibebenta nila sa mga lokal na merkado. Ang kabuuang bentahan ng sibuyas ay kontrolado ng kartel ng mga komersyante, na may monopolyo sa bilihan at presyo ng mga produkto. Ang mga komersyanteng ito ang may kontrol rin sa mga cold storage facility kung saan maaaring matagalang iimbak ang mga sibuyas.
Liban sa walang sariling cold storage ang mga magsasaka, hindi rin nila kayang dalhin sa mga palengke ang kanilang mga produkto dahil sa taas ng gastos sa transportasyon.
Paliwanag ni Cathy Estavillo ng Bantay Bigas, ang mga komersyante ang nagpapautang sa mga magsasaka para makapagtanim kung kaya’t idinidikta nila ang presyo ng mga produkto. Walang kapasidad ang mga magsasaka na magpresyo ng sarili nilang ani, alinsunod sa gastos nila sa produksyon.
Pinalala pa ang sistemang ito ng walang sagkang importasyon na kontrolado rin ng parehong mga komersyante. Sa kagahaman ng mga ito sa kita, sadya nilang binabaha ng imported na sibuyas ang merkado para baratin ang presyo ng lokal na sibuyas. Kapag pagitan ng mga anihan, saka naman nila inilalabas ang mga lokal na sibuyas para imantine ang matataas na presyo nito sa merkado.
Halos pinatay na ng importasyon ang lokal na produksyon ng sibuyas. Noong 2020, pinakamalaki ang bolyum ng sibuyas na inangkat kumpara sa ibang gulay. Nasa 39% ng kabuuang suplay ng sibuyas sa bansa ay imported. Hindi pa kasama dito ang mga sibuyas na iligal na ipinupuslit ng mga komersyante.