Mga magsasakang dinukot ng AFP sa Negros, di pa nakikita
Nanawagan ang mga kapamilya ng mga magsasaka sa Negros na dinukot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ilitaw na ang kanilang mga kaanak. Ang panawagang ito ay inihayag ng mga kamag-anak nila Hector Maquiling at Ernesto Baynes na kapwa dinukot ng mga sundalo ng 79th IB noong Setyembre 30 sa Barangay San Pablo, Manapla, Negros Occidental. Nag-ooperasyon noon ang mga sundalo, kasama ang pulis, sa naturang barangay.
Nagsagawa ng press conference ang mga pamilya noong Oktubre 8 kung saan humarap ang mga anak na nanawagang ilitaw ang kanilang mga magulang.
“Kung may nagawang mali ang tatay ko, magsampa kayo ng kaso sa korte. Pero ipaalam niyo sa amin kung nasaan sila,” apela ng anak ni Baynes.
Nasaksihan ng barangay tanod na si Gaspar David ang naging pagdukot sa dalawa. Aniya, nakarinig siya ng dalawang putok bandang alas-dos ng madaling araw ng Setyembre 30 sa direksyon ng bahay ng dalawang magsasaka. Nakita niyang napalibutan ang mga bahay ng mga sasakyang ng sundalo at pulis. Makalipas ang ilang minuto nakita niyang “ini-escort” palabas ng mga upisyal na sundalo ang dalawa.
Bago siya umalis, narinig niyang pinadapa ang dalawa at dumaing si Hector sa sakit. Alas-singko ng umaga nang balikan niya ang bahay pero wala na sina Baynes at Maguiling.
“Payapa ang buhay ko at wala akong planong guluhin ito dahil lamang sa pagpapahayag ng kasinungalingan. Sinasabi ko lang ang nakita ko,” paghayag ni David sa midya.
Samantala, ibinasura ng Regional Trial Court Branch 69 sa Silay City, Bacolod, ang petisyon ng mga pamilya para sa writ of habeas corpus para ilitaw at iharap sa korte ang ang dalawang biktima. Katwiran ng huwes na si Judge Leonardo Facultad na hindi niya saklaw ang hedkwarters kung saan naka-base ang 79th IB, kahit sakop niya ang Manapla.