Mga manggagawa ng Nabisco-Mondelez sa US, nagwelga
Daan-daang manggagawa sa pagawaan ng kumpanyang Nabisco sa Virginia, Oregon at Chicago sa US ang nagkasa ng welga noong Agosto 10 para tutulan ang mga kundisyon ng maneydsment at iprotesta ang barat na pagpapasahod ng kumpanya. Nakiisa sa kanila ang mga manggagawa sa iba pang paggawaan ng Nabisco. Ang Nabisco ay subsidyaryo ng kumpanyang pagkain na Mondelez International. Kabilang sa pinoprodyus nito ang pang-meriendang Chips Ahoy!, Ritz Crackers at Oreo Cookies.
Kabilang sa tinututulan ng mga manggagawa ang di makataong mga kundisyon sa paggawa, pagkaltas sa pensyon at benepisyo sa kalusugan; at pagbabanta ng kumpanya na isara ang kanilang pagawaan.
Ibinunyag ng mga manggagawa na sa gitna ng pandemya, halos wala silang tigil sa trabaho. May mga pagkakataong umaabot ng pitong araw silang pumapasok kada linggo, 13 oras kada araw.
Noong nakaraang taon, kumita ang Nabisco ng $26.6 bilyon. Para makapiga ng dagdag pang kita, plano ng maneydsment na pahabain ang oras ng paggawa ng mga manggagawa mula walong oras kada linggo tungong 12 oras at tatlo o apat na araw na pasok kada linggo. Walang balak magbayad ng obertaym ang kumpanya at oobligahin nitong pumasok sa sabado at linggo ang mga manggagawa nang walang dagdag na bayad.
Ipinutok ng mga manggagawa ang welga matapos isara ng kumpanya ang dalawa nitong pagawaan sa Atlanta at Fair Lawn, New Jersey kung saan mahigit 1,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho. Taong 2016, nagbawas din ito ng produksyon sa pabrika nito sa Chicago at nagtanggal ng may 400 manggagawa.