Mga manggagawang Amerikano sa Starbucks at Amazon, naggigiit sa kanilang karapatang mag-unyon
Naitayo sa kauna-unahang pagkakataon ang isang unyon ng kumpanyang Starbucks sa US noong Disyembre 10. Ito ay matapos nagdesisyon ang mga barista (tawag sa mga manggagawang naghahanda at naghahain ng kape) sa isang sanga nito sa Buffalo, New York, na bubuuin nila ang kanilang unyon sa botong 19-8. Isinagawa ang sertipikasyon sa eleksyon noong Disyembre 9 sa tatlong sanga. Ang Starbucks ay nakakategorya bilang “restoran” na kilala sa pagbebenta ng maiinom na kape. Liban sa branch nito sa Buffalo, isang Starbucks branch sa Canada ang unyonisado.)
Tinawag ang tagumpay bilang “mayor na pangyayari sa kasaysayan ng kilusan ng paggawa sa US.”
Ito ay dahil mula nang magpahayag ng kagustuhang mag-unyon ang mga barista, walang tigil ang pagsisikap ng kumpanya para hindi ito maisasakatuparan. Kabilang sa mga taktika ng maneydsment ang pagbabantay sa mga manggagawa habang nasa trabaho sila, pagpupulong at direktang pagpanawagan sa kanila para bumoto ng “no” sa eleksyon. Binisita sila mismo ng may-ari ng Starbucks na si Howard Shultz para kumbinsihin silang itakwil ang kanilang karapatan sa pag-uunyon.
Malaki ang implikasyon ng unyon na ito sa 394,000 empleyado ng Starbucks na nakakalat sa bawat syudad ng US at maging sa ibang bahagi ng mundo. Inihuhudyat nito ang posibilidad ng pagtatayo ng unyon sa isa sa pinaka-kontra sa unyonismo at barat na kumpanya sa US. Isa ang Starbucks sa mahigpit na lumaban sa pambansang kampanya para itaas ang sahod ng mga manggagawa tungong $15 kada oras sa nakaraang dekada. (Sa matagal na panahon, pinanatili nito sa $14 kada oras ang sahod ng mga barista kahit pa itinaas na ng ibang kumpanyang mas maliiliit dito ang minimum na sahod nang hanggang $17 kada oras.)
Bago nito, nagtamo rin ng tagumpay ang mga manggagawa ng bodega ng Amazon sa Alabama nang magdesisyon ang National Labor Relations Board ng US pabor sa muling pagsasagawa sa eleksyon sa sertipikasyon ng unyon. Ayon sa desisyon ng ahensya na inilabas noong Nobyembre 29, seryosong nilabag ng Amazon ang mga batas at proseso ng eleksyon sa sertipikasyon na isinagawa sa isa sa mga bodega nito sa Bessemer, Alabama noong maagang bahagi ng taon. “Ni-hijack” nito ang proseso, ayon sa ahensya. Natalo ang union vote o boto para sa unyon sa tantos na 2-1 sa eleksyong ito.
Tulad sa Starbucks, gumamit ng mga taktikang pananakot at nanghimasok ang maneydsment ng Amazon para pigilan ang pag-uunyon. Tinawag nitong “sagabal ang unyon” sa “relasyon ng maneydsment at manggagawa”. Ito ay sa kabila ng napakarami nang mga reklamo ng mga manggagawa kaugnay sa kawalan ng katiyakan sa trabaho, di makataong mga kundisyon sa paggawa, sobra-sobrang pagpapatrabaho, kawalan ng mga benepisyo at pambabarat. Ang abereyds na sahod ng mga manggagawa sa Amazon ay $12 lamang kada oras.
Ang Amazon ang pangalawang pinakamalaking pribadong kumpanya sa US. Mayroong itong 1 milyong manggagawa sa mga bodega na nakakalat sa buong bansa pa lamang. (Mayroon itong 300,000 manggagawa sa iba pang bahagi ng mundo.) Ang may-ari nito na si Jeff Bezos ang pinakamayamang indibidwal sa buong mundo sa nagdaang tatlong taon.
Ipinagbubunyi ng kilusan sa paggawa sa US ang paggigiit ng mga manggagawa sa Starbucks at Amazon sa kanilang karapatang sa pag-uunyon lalupa’t mahina ngayon ang kilusan sa pag-uunyon sa bansa. Ayon sa datos ng estado dito, 10.8% na lamang sa mga manggagawang Amerikano ang unyonisado, kumpara sa 20% noong 1983.