Mga pekeng party-list, pakawala ng NTF-ELCAC—PKP
Nagpakawala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng tatlong pekeng “party-list” na gumagamit sa pondo ng gubyerno para maghasik ng maruming propaganda laban sa mga progresibong partido sa darating na eleksyon. Ito ang paliwanag ngayong araw ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) kaugnay ng mga ulat na isa sa kinatawan ng mga grupong ito ay nagpapakilalang dating “mataas na upisyal ng NPA.”
Tinukoy ni Valbuena ang mga grupong “Abante Sambayanan,” “Mothers for Change,” at “Malasikit Movement” na pawang mga grupong binuo ng NTF-ELCAC.
“Asahan na natin na gagamitin ng NTF-ELCAC ang mga grupong ito para sa kanilang adyenda na palakasin ang impluwensya ng militar sa pulitika,” ani Valbuena. “Tiyak na gagamitin ng mga pekeng party-list na ito ang bilyun-bilyong pisong pondo ng NTF-ELCAC.” Nakatanggap ang NTF-ELCAC ng mahigit ₱19 bilyong pondo noong 2020 na malaking bahagi ay ginagamit sa maanomalyang Barangay Development Program.
“Dapat ilantad at puspusang labanan ang kampanya ng red-tagging at pagbabansag na terorista laban sa mga grupong progresibo at makabayan.”
Kinatawan ng grupong Abante Sambayanan si Jeffrey Celiz na nagpapakilalang “Ka Eric” na diumano’y dating tauhan ng National Operational Command (NOC) ng BHB. Nauna nang itinanggi ni Ka Oris, tagapagsalita ng NOC, na hindi nila ni minsan nakilala itong si Celiz.
Ani Valbuena, si Celiz ay isang bayarang tagasunod ng NTF-ELCAC at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na gumagawa ng mga “pantastikong” kwento para magmukha siyang importante. Dati siyang aktibista pero matagal nang nabulok nang naging tauhan siya ng pulitiko sa Iloilo at naimbwelto sa droga. Isinama siya noong 2017 sa “narcolist” ni Duterte. Para hindi siya madiin, sumuko na lang ang nakipagtulungan si Celiz sa AFP. Matagal na siyang laging tagapagsalita sa mga palabas ng NTF-ELCAC.
Pawang mga kilalang tauhan din ng NTF-ELCAC ang nagbuo ng iba pang nabanggit na pekeng party-list, kabilang si Mocha Uson at si Celine Pialago.