Mga protesta
Pagtaas ng presyo ng langis, kinundena
Nagpiket ang mga tsuper at opereytor sa istasyon ng Petron sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Pebrero 14 upang kundenahin ang tuluy-tuloy na pagtaas ng mga presyo ng langis mula Enero. Panawagan nila na irolbak ang mga presyo, isabansa ang kumpanya ng langis na Petron Corporation at iatras ang pabigat na excise tax na ipinataw ng rehimeng Duterte sa mga produktong petrolyo.
Samantala, inikot ng mga kasapi ng League of Filipino Students ang mga paradahan ng dyip at traysikel upang magpaliwanag sa mga epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at magpapirma ng petisyon para sa pagbasura ng Oil Deregulation Law at excise tax sa langis.
Maggugulay, nagkaraban sa Benguet
Nagkaraban ang 250 maggugulay at negosyante ng gulay noong Pebrero 14 sa mayor na kalsada ng La Trinidad, Benguet upang tutulan ang walang sagkang importasyon at pagpuslit ng mga gulay at iba pang produktong pang-agrikultura mula China.
Reklamo pa ng mga asosasyon sa La Trinidad Vegetable Trading Area, hindi sapat ang aksyon ng gubyerno na limitado at ningas-kugon para pigilan ang iligal na pag-aangkat. Noong nakaraang taon pa nagreklamo ang 11 pederasyon ng maggugulay sa Benguet kaugnay dito.
3 taon ng pahirap na RTL
Muling nanawagan ang mga magsasaka na ibasura ang Rice Tariffication Law sa pangatlong taon mula nang ipasa ito. Sa kanilang protesta sa harap ng Department of Agriculture noong Pebrero 14, sinabi nilang bumagsak ang kanilang kita at halaga ng kanilang mga ani dahil sa importasyon ng murang bigas. Anila, nag-anak ang batas ng mas malalaking problema tulad ng kagutuman, pagkalubog sa utang habang patuloy pa rin namang mataas ang presyo ng mga bilihin. Naglunsad din ng parehong pagkilos ang Bantay Bigas-Bicol.
Ika-10 taon ng One Billion Rising.
Nagtipon ang iba’t ibang grupo ng kababaihan at mga tagasuporta nila sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon City noong Pebrero 14 para gunitain ang ika-10 taon ng One Billion Rising, pandaigdigang kampanya laban sa karahasan sa mga kababaihan. Ngayong taon, layunin ng kampanya na bigyang-pokus ang inhustisya na dinaranas ng mga biktima ng karahasan.
Ayon sa Gabriela, ngayon higit kailanman, kinakailangang tumindig upang ipagtanggol ang karapatan at seguridad ng mga kababaihang Pilipino. Nagkaroon din ng programa sa Albay, Kalinga at Baguio City.
Protesta sa Hacienda Murcia
Tahimik na nagmartsa ang mga residente at magsasaka ng Purok Cojuangco sa Hacienda Murcia tungong munisipyo ng Concepcion, Tarlac noong Pebrero 4 upang tutulan ang bantang pagpapalayas sa kanilang mga tahanan. Ayon sa mga residente, ilang dekada na silang naninirahan sa lugar at hindi man lamang naabisuhan ng lokal na pamahalaan hinggil sa reklasipikasyon ng kanilang lupa na dating pagmamay-ari ng Pamilyang Cojuangco-Aquino.
Anila, taong 2019 nang makatanggap sila ng banta ng pagpapalayas at pagbabawal sa kanila na magsaka mula sa mga Cojuangco at kumpanyang Landfactors, Inc. na umagaw sa kanilang lupa. Sinampahan din ang mga magsasaka ng kasong panloloob at panggugulo.
Ang Landfactors, Inc ay nakapailalim sa SM Development Corporation ng pamilyang Sy.
Rita Baua, beteranong aktibista, pinarangalan
Binigyang parangal ng mga aktibista at iba’t ibang sektor si Kasamang Rita Baua noong Pebrero 6 sa St. Peter Chapels sa Quezon Ave., Quezon City. Si Ka Rita o Taritz para sa mga aktibista ay naorganisa sa panahon ng martial law habang nagtuturo sa St. Joseph’s College, Pasig Catholic School, at St. Scholastica’s College. Sa lansangan, namulat siya at nakahanap ng mas malaking klasrum. Siya ay naging organisador ng mga magbubukid sa Negros at Mindanao, at internasyunalista na naging bahagi ng Ecumenical Movement For Justice and Peace at Ecumenical Partners for International Concerns. Sa mahabang panahon, naging lider at kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan si Taritz. Malawak din ang kanyang partisipasyon sa mga gawaing internasyunal.
Pumanaw si Ka Rita sa sakit noong Pebrero 3 at inilibing noong Pebrero 7 sa Himlayang Pilipino.