Mga protesta

#MarcosHindiBayani, sigaw ng mamamayan

Isang protestang karaban na pinangunahan ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law o CARMMA ang inilunsad noong Nobyembre 18. Nagsimula ang karaban sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City at tumungo sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Tinawag ng mga kalahok ng karaban na “magnanakaw, mamamatay-tao, mandarambong ang diktador si Ferdinand Marcos Sr at hindi bayani. Ang paglilibing sa kanya sa Libingan ng mga Bayani ay paraan ng pamilyang Marcos para irebisa ang kasaysayan at pagtakpan ang lagim ng batas militar sa mga dekada 1970 hanggang 1980.

Sa araw ding iyun, nagtungo ang mga aktibista ng Baguio city sa harap ng wasak na rebulto ni Marcos Sr. sa Tuba, Benguet. Nagsabit sila ng mga panawagan na “Marcos, No Hero!” at “No to Marcos-Duterte 2022!” Ang rebulto ng ulo ni Marcos Jr. ay tinawag ng BHB sa Ilocos-Cordillera na “kababalaghan” at “pagkutya sa hustisya.” Nawasak ito matapos bombahin ng mga Pulang mandirigm noong Disyembre 29, 2002 at

Nagkaroon din ng piket sa harap ng Commission on Human Rights noong Nobyembre 14 matapos ianunsyo ang tambalang Bongbong Marcos at Sara Duterte.


Mga drayber at konduktor ng Libreng Sakay Program, di pa bayad!

Nagprotesta noong Nobyembre 15 sa harap ng upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang mga drayber at konduktor na bahagi ng programang Libreng Sakay upang batikusin ang mahigit isang buwan nang naantalang bayad sa kanilang serbisyo.

Layon umano ng programa na punuan ang laking pangangailangan ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pandemya. Subalit marami sa kanila ay hindi pa nabibigyan ng kanilang lingguhang sahod.

Nagpahayag din ang mga drayber at konduktor ng pangamba na mawawalan sila ng trabaho nang mag-anunsyo ang LTFRB na wawakasan na nito ang Libreng Sakay Program noong Nobyembre 6. Sa ibang rehiyon, noon pang Oktubre 21 winakasan ang mga kontrata.


#HLM17: 17 taong walang hustisya

Nananatiling mailap ang hustisya para sa mga biktima ng masaker ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 16, 2004. Hanggang ngayon ay wala pang naparurusahan sa mga armadong sundalo at maton na walang habas na nagpaputok at mga upisyal na nag-utos sa kanila. Walang pa ring sariling lupa ang mga magsasaka ng asyenda.

Naglunsad ng isang kilos protesta ang mga magsasaka sa pangunguna ng Alyansa ng mg Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) kahapon ng umaga sa tapat ng lokal na upisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Tarlac para gunitain ang masaker. Iginiit nila ang pamamahagi ng mga lupaing – TADECO o Tarlac Development Corporation na bahagi ng Hacienda Luisita, saklaw din ito ng notice of coverage ng DAR na inilabas noong 2013.


#Klimalaya protesta laban sa imperyalistang pandarambong sa kalikasan

Bilang pakikiisa sa inilulunsad na ika-26 taong pagtitipon ng Conference of Parties of the United Nations Framework Convention on Climate Change o COP26 sa Glasgow, Scotland noong Nobyembre 6, nagtipon ang mga grupong maka-kalikasan sa upisina ng Commission on Human Rights sa Quezon City.

Tinawag ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP) ang programa na #Klimalaya: Fight For Freedom From Climate Injustice.

“Tayo ay nagmamartsa ngayon upang ipaalala sa mga lider ng iba’t ibang bansa na ang usapin ng pagbabago ng klima ay usapin ng buhay at kaligtasan ng mamamayan. Ang ating kailangan ay tunay na pagbabawas ng greehouse gas at pagpapanagot sa mga nasyon at korporasyon na pangunahing sumisira sa kalikasanm hindi sa susunod na 10 o 30 taon kung kailan lubog na sa baha, tumaas na ang mga karagatan at nabawasan na ang mga tabing dagat,” ani Leon Dulce ng Kalikasan People’s Network for the Environment.

Panawagan din ng YACAP ang #UprootTheSystem (Bunutin mula sa ugat ang sistema!) para sa mas maalwang kinabukasan.


Mga guro, manggagawang pangkalusugan, nanawagan para sa mas mataas na badyet

Magkahiwalay na nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan at mga guro sa harap ng Senado sa Pasay City noong Nobyembre 17 panawagan nila ang mas mataas na badyet para sa taong 2022. Itinaon nila ang mga pagkilos sa pagdinig ng Senado sa badyet para sa 2022.

Ayon sa Coalition of People’s Right to Health, dapat mas mataas ang badyet ang ilaan sa kalusugan para makapagbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.

Para naman sa Alliance of Concerned Teachers, dapat maglaan ng alawans kontra-Covid na P500 at honorarium para sa mga gurong magsisilbing Board of Elections Inspectors sa darating na eleksyong 2022.

Noong Nobyembre 8, nagrali rin ang iba’t ibang sektor sa harap ng Senado para igiit na paglaanan ng P10,000 ayuda ang mga estudyante at maralitang Pilipino.


Pambansang araw ng mga estudyante, ginunita

Ginunita noong Nobyembre 17 ng mga grupo ng kabataan ang Pambansang Araw ng mga Estudyante sa harap ng Commission on Higher Education. Ninais nilang makipagdayalogo sa pinuno ng ahensya na si Prospero de Vera pero tumanggi itong humarap sa kanila.

Dahil dito, isusumite na lamang nila ang kanilang mga suhestyon para sa ligtas na harapang klase.

Kinundena rin nila ang kriminal na pagpapabaya ng rehimeng Duterte sa edukasyon at ipinanawagan na tuluyan nang pagtanggal sa pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.


Karapatan sa paninirahan, iginiit sa Taguig

Naglunsad ng candle lighting protest noong Nobyembre 17 ang mga residente ng Maysapang sa Barangay Ususan, Taguig City upang tutulan ang napipintong demolisyon sa kanilang mga tahanan ng RII-Builders at MGS consortium. Mahigit 500 pamilya ang nanganganib na mawalan ng tirahan matapos angkinin ng Bases Conversion and Development Authority ang lupa.

Ayon sa Nagkakaisang Residente ng Maysapang Homeowners Association Inc., malaon nang humihingi ng pakikipagdayalogo ang mga residente sa maneydsment ng BCDA. Hinarap sila nito na lamang Nobyembre 10 lamang sila humarap para palabasin na nagkaroon ng dayalogo bago ang demolisyon.

Noong Nobyembre 15, nagkaroon ng kaguluhan nang tutukan ng baril ng mga gwardya ng maneydsment ang nagbabarikadang mga residente.

AB: Mga protesta