Mga pulis sa Tarlac, kinasuhan ng Tinang 83
Sinampahan ng mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta na tinawag na Tinang 83 ang mga pulis na sangkot sa brutal at di makataong pag-aresto sa kanila noong Hunyo 9.
Nagtungo sa upisina ng Ombudsman ang Tinang 83 noong Hulyo 26 para isampa ang limang kaso laban sa di bababa na 30 myembro ng Philippine National Police-Concepcion, pangunahin na ang hepe nitong si Lt. Col. Reynold Macabias.
Kasama sa ikinaso sa mga pulis ang Violation of Rights of Persons Arrested, Detained, and Under Custodial Investigation; Perjury; Unlawful Arrest; Arbitrary Detention; Physical and Mental/Psychological Torture and Other Cruel, Inhumane, Degrading Treatment or Punishment; Grave and Serious Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service; and Grave Abuse of Authority and Oppression.
HIling ng Tinang 83 na sipain sa pwesto ang pinangalanan nilang mga pulis. Habang dinidinig ang kaso, dapat isuspidne muna sila sa trabaho, anila.
Bago nito, sinampahan din ng ilan sa Tinang 83 ang assistant prosecutor ng Tarlac na si Mila Mae Montefalco ng kasong grave misconduct at dalawang iba pang asunto. Anila, dapat malinaw kay Montefalco na saklaw ng Department of Agrarian Reform ang sigalot sa bungkalan at dapat hindi niya sinampahan ng kaso ang Tinang 83.
Ang aksyon ni Montefalco ay nagresulta sa 3-araw na pagkulong sa mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta at pangangailangan nilang magpyansa. Kalaunan, ibinasura rin ng Capas Municipal Trial Court ang gawa-gawang mga kaso sa dahilang hindi saklaw ng mga korte ang mga agraryong sigalot.