Mga rider ng Foodpanda, nagprotesta sa Davao City
Mahigit 300 rider o drayber ng motorsiklo na bahagi ng Foodpanda, isang kumpanyang nagkokontrata ng malawak na network ng mga drayber para magdeliber ng pagkain, ang nagkaraban sa Roxas Avenue, Davao City noong Hulyo 15 bilang protesta sa mababang pasahod, at samutsaring mga iskema para lalupang ibaba ang kanilang sahod.
Binatikos din nila ang “8-taong pagsuspinde” sa ilang drayber na sa aktwal, ay nagtanggal sa kanila sa serbisyo.
Ayon sa mga rider, sinimulang kaltasan ng kumpanya nang higit kalahati ang kanilang kita mula pa noong Nobyembre 2019. Bumagsak ang abereyds na natatanggap ng drayber kada deliberi mula P75 tungong P28. Noon pa humihingi ng paliwanag ang mga rider kung paano ito kinukwenta subalit hindi sila pinauunlakan ng maneydsment.
Mayroon ding P280 na buwanang ikinakaltas sa sahod ng mga drayber bilang kontribusyon umano sa seguro kahit pa wala namang patunay ang kumpanya kung saan ito napupunta. Ayon sa mga drayber, mayroon silang kasamahan na naaksidente pero walang nakuhang anumang medikal na tulong mula sa seguro na iniaalok umano ng kumpanya.
Pinangunahan ang pagkilos ng Davao United Delivery Riders Association Inc.