Mga sibilyang komunidad sa Mindoro at Masbate, binomba ng AFP
Binomba ng mga eroplano at helikopter na pandigma ng Armed Forces of the Philippines sa dalawang magkahiwalay na insidente ang paligid ng mga sibilyang komunidad sa Masbate at Occidental Mindoro. Nagdulot ito ng labis na takot at troma sa mga komunidad.
Ilandaang residente ang naapektuhan ng pambobomba sa Barangay Igang, Masbate City, Masbate noong Pebrero 21. Ito ay matapos maghulog ng anim na bomba ang isang attack aircraft bandang alas-4 ng madaling araw.
“Bagamat pinalalabas ng militar at pulis na ang pambobomba ay ginawa kaugnay sa engkwentro ng mga yunit nito laban sa BHB, malinaw sa masang Bikolano na ang kanilang mga komunidad ang tunay na target ng mga pang-aatake,” ayon kay Raymundo Buenfuerza ng BHB-Bicol.
Naiulat din noong Pebrero 26 ang dalawang serye ng pambobomba mula sa ere, panganganyon at pag-istraping sa mga komundidad sa hangganan ng Bongabong, Oriental Mindoro at San Jose, Occidental Mindoro. Nagdulot ito ng matinding takot sa mga katutubong Mangyan na matagal nang tineterorisa ng AFP. Pinangunahan ang naturang pag-atake ng mga yunit sa ilalim ng 203rd IBde.
Ayon sa ulat ng BHB-Mindoro, gumamit ang AFP ng mga eroplanong FA-50 na nagsimulang maghulog ng bomba ng ala-1 ng madaling araw. Sinundan ito ng pitong beses na panganganyon bandang alas-5 ng madaling araw. Bandang alas-7:30 hanggang alas-9 ng umaga ay dalawang Blackhawk helikopter ang nagpabalik-balik at nang-istraping sa kabundukan bago naglapag ng mga pasistang tropa sa lugar.