Mga taong-simbahan, nanawagang itigil ang aerial bombing
Nanawagan ang pinuno ng iba’t ibang simbahan sa gubyerno ni Rodrigo Duterte na kagyat na itigil ang pagbobomba mula sa ere ng Armed Forces of the Philippines. Inilabas ang pahayag ng Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) noong Nobyembre 8.
Nagpahayag ng alarma ang grupo sa “mabilis na pagtindi ng karahasan” sa Bukidnon at Butuan City matapos ang pagpaslang ng AFP kay Ka Oris, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan, noong Oktubre 29.
Pinakamatindi ang pambobombang isinagawa ng AFP noong mga gabi ng Okubre 30 at Nobyembre 2 sa mabundok na bahagi ng Sityo Gabunan, Barangay Dumalaguing sa bayan ng Impagsug-ong, Bukidnon. Noong Nobyembre 3, binomba naman ng AFP ang mga sakahan sa Los Angeles, Butuan City sa diumano’y “test mission” ng kanilang mga kagamitan.
Ayon sa PEPP, ang mga pambobomba mula sa ere ay nagreresulta sa malawakang pagkasira at pinsalang collateral.
“Halos laging walang pakundangan ang mga pambobombang ganito,” anito, “at ang mga biktima nito ay malimit na mga di kombatant at inosenteng sibilyan.” Labag ito sa mga probisyon na nakasaad sa International Humanitarian Law at malalim ang mga implikasyon nito sa mga natromang komunidad.
“Ang pagtaas ng antas ng armadong tunggalian ay labag rin sa resolusyon ng UN Security Council noong Pebrero na nananawagan para sa isang “sustenable na makataong panandaliang pagtigil” ng mga lokal na tunggalian,” paalala ng grupo. Ginawa ang panawagan para matiyak na may akses ang mamamayang nasa mga erya ng armadong tunggalian sa kinakailangang mga bakuna at gamot. Ito ang nasa likod noon ng apela ng pangkalahatang kalihim ng UN na si Antonio Guterres para sa isang “pagdaigdigang tigil-putukan.”
(Tumugon dito ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng tigil-putukan noong Abril 2020. Hindi ito tinumbasan ng rehimeng Duterte. Malala pa, sinamantala ng AFP ang unilateral na tigil-putukan para dumugin ang mga erya ng BHB at tugisin ang mga yunit nito na nagsasagawa ng mga misyong medikal.)
Inulit ng PEPP ang paninindigan nito na ang pagkamit ng matagalang kapapayaan sa bansa ay “hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas sa digma, kundi sa pagtugon sa mga ugat sa armadong tunggalian.” Muli nitong ipinanawagan ang kagyat na pagbabalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front of the Philippines at itigil ang pagpapataas ng antaas ng karahasan sa Mindanao at sa buong Pilipinas.
Ang pahayag ng PEPP ay pinirmahan nina Archbishop Emeritus Antonio J. Ledesma, SJ, Rr. Revd. Rex B. Reyes, Jr., Bishop Reuel Norman O. Marigza, Rev. Dr. Aldrin Penamora, Sr. Mary John D. Mananzan at Bishop Emeritus Deogracias S. Iniguez, Jr.