Mga umaatakeng yunit ng AFP sa Agusan del Norte, hinaras ng BHB
Limang operasyong haras ang magkasunod na inilunsad ng mga yunit ng BHB-Agusan del Norte laban sa mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lumusob sa Barangay Puting Bago, Cabadbaran City, Agusan del Norte mula gitnang linggo ng Disyembre 2021. Ito ay matapos nagbuhos ng mga tropa ng 29th IB at 65th IB, sakay ang 23 sasakayan, mula Disyembre 12 hanggang Disyembre 23 sa naturang barangay.
Magkasunod na operasyon ang isinagawa ng mga Pulang mandirigma noong Disyembre 15, alas-8 ng umaga; Disyembre 19, alas-10 ng umaga; Disyembre 20, alas-9 ng umaga; Disyembre 23, alas-11 ng umaga; at Disyembre 29, alas-12 ng tanghali, lahat noong 2021. Batay sa imbestigasyon, isang sundalo ang napatay. Walang kaswalti sa hanay ng mga Pulang mandirigma.
Kakambal ng mga operasyon ng kaaway ang mga paglabag sa karapatang-tao sa mga sibilyan sa mga baryong sinaklaw nito. Apektado ang kabuhayan ng mga residente matapos pagbawalan sila na pumunta sa kani-kanilang sakahan. Hindi makapangaso ang mga Lumad sa kagubatan at ginipit ang maliitang minero sa erya.
Tinatakot at ginigipit ng mga sundalo ang mga sibilyan. Walang patumangga silang nagpapaulan ng bala sa panahong nakapondo sila sa mga sityo. Nagdudulot ng matinding troma sa mamamayan ang pambobomba ng Philippine Airforce malapit sa mga komunidad at sakahan.
Mahigit tatlong buwan na ang malakihan at matagalang nakapokus na operasyong militar sa hangganan ng mga prubinsya ng Surigao del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Norte sa rehiyon ng Northeastern Mindanao na sinimulan noong Oktubre 2021. Hibang na layunin ng operasyon ng kaaway na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa harap ng nalalapit na pagtatapos ng upisyal na termino ni Rodrigo Duterte sa Mayo 2022.
Ang inilulunsad na operasyon ay idinidirehe sa antas ng 4th Infantry Division na nilalahukan ng dalawang brigada at mga espesyal na pwersa ng militar. Kabilang dito ang 901st IBde kung saan nakapailalim ang mga nag-ooperasyong tropa ng 29th IB, 30th IB at 36th IB; 402nd IBde na sumasaklaw sa 65th IB; at Scout Ranger at Division Reconnaisance Company (DRC). Tinatayang aabot sa isang libo ang kabuuang bilang ng nag-ooperasyon sa mga kabundukan ng rehiyon. Gumagamit ang mga ito ng mga abanteng kagamitang pandigma tulad ng mga drone pangsarbeylans, attack helicopter, artileri at iba pa. (mula sa ulat ng Lingkawas)