Moreno, pinutakti ng batikos sa kanyang pagmamaliit sa paglaban sa mga Marcos
Pinutakti ng batikos si Isko Moreno, kandidato pagkapresidente, matapos niyang maliitin ang pakikibaka laban sa panunumbalik ng mga Marcos sa Malacanang bilang “labanan sa pagitan ng dalawang pamilya.” Ginawa ni Moreno ang pagmamaliit nang sagutin niya ang pahayag ni Leni Robredo, kalaban niya sa pulitika, na nagsabing isa sa mga nagtulak sa kanya na tumakbo ay ang maka-Marcos na kiling ni Moreno.
Sa kanyang pambubuladas, di sadyang ibinunyag ni Moreno ang kanyang maka-Marcos na kiling at pagkakapareho ng kanyang taktika at tunguhin sa pangkating Duterte. Minaliit pa niya ang mga lumalaban sa panunumbalik ng mga Marcos bilang mga “yellowtard,” isang terminong ginagamit ng pinakamasasahol na tagapagtanggol ni Rodrigo Duterte.
Kinastigo rin ni Renato Reyes ng Bayan ang pahayag ni Moreno. Aniya, ang pakikibaka laban sa mga Marcos ay hindi kailanman naging labanan sa pagitan ng dalawang pamilya. Isa itong laban sa pagitan ng mamamayang Pilipino at mga pwersa ng diktadura. Sa kasalukuyan, isa itong laban para sa hustisya at laban sa pagrerebisa ng kasaysayan, aniya.
“Hindi rin naman totoo na malayo sa bituka ng tao ang alaala ng diktadurang Marcos,” tugon ni Reyes sa pahayag ni Moreno na dapat tugunan na lamang ng mga kandidato ang kasalukuyang kawalang trabaho at kahirapan ng mamamayan. “Kaya nga naghirap ang bansa at nabaon sa utang, dahil sa pandarambong at mga abuso noon,” dagdag pa ni Reyes.