Motorcade ni Marcos sa Caloocan, ginulantang ng protesta

,

Ginulantang ng protesta ang motorcade kahapon ng tambalang Marcos-Duterte, sa Caloocan City nang biglang lumitaw sa harap ng San Roque Cathedral ang malalaking banderang may nakasulat na “Huwag iboto ang magnanakaw at sinungaling!.” Sa pangunguna ng Bayan Muna, tangan ng mga nagrali ang mga plakard na nakasulat ang “Never Again!” habang dumadaan ang sasakyang lulan si Marcos Jr at kanyang mga kandidatong senador sa ilalim ng “Uniteam.”

Nagprotesa rin ang mga kabataang aktibista ng Anakbayan-Caloocan sa St. Joseph Avenue nang dumaan ang motorcade ng “UniTeam” sa lugar.

Hindi nagpatinag ang mga nagrali sa kabila ng pangangantyaw at pambubuska ng mga tagasuporta ng anak ng diktador. Nagsabit sila ng iba pang mga istrimer sa ruta na dinaanan ng motorcade.

Pinangungunahan ng grupong Campaign Against the Marcoses and the Return of Martial Law (CARMMA) ang matinding paglaban sa tambalang Marcos-Duterte. Ayon sa kanila, gagawin nito ang lahat para labanan ang pagpapanumbalik sa pwesto ng mga Marcos at ekstensyon sa pwesto ng mga Duterte.

Tinuligsa nito ang tema ng kampanya ng UniTeam. “Ang pagkakaisang walang hustisya ay impunity. Ang tunay na pagmamahal sa bansa ay nangangahulugan ng paglaban sa mga nagnanasang maging diktador at pakikipaglaban para sa karapatan at kalayaan.”

AB: Motorcade ni Marcos sa Caloocan, ginulantang ng protesta