Nagkandarapa ang US sa pag-atras sa Afghanistan

Ayaw makipagnegosasyon ang mga Taliban sa United States at iba pang alyado nito sa G7 (United Kingdom, Germany, France, Canada, Japan at Italy) sa hiling nilang palawigin pa ng ilang araw pagkatapos mapaso ang itinakdang dedlayn ng pag-atras nila sa Afghanistan. Nangangahulugan ang pagpapalawig lampas sa Agosto 31 dedlayn ng “pagpapalawig ng okupasyon” ng mga dayuhang pwersa sa Afghanistan, ayon sa tagapagsalita ng gubyerno ng Taliban na si Suhail Shaheen.

Ayon kay US National Secretary Adviser Jake Sullivan, kaya nilang maabot ang dedlayn ng pag-atras ng mga pwersa ng US at mga alyado nito sa Afghanistan. Pero nag-aalinlangan ang United Kingdom, France at Germany na maabot nila ito. Anila, nangangailangan pa ng dagdag na panahon para mailikas ang kanilang mga personel at nasyunal nito.

Sinabi ng isang upisyal ng White House noong Agosto 23 na nailikas nila mula sa paliparan ng Kabul patungong US ang 10,900 katao sa loob ng 12 oras. Sa kabuuan, umaabot sa 48,000 ang napalabas ng Afghanistan simula noong Agosto 14. Malaking mayorya nito ay mga mamamayang Afghan na nagtatrabaho sa mga base militar at malalaking kumpanyang US.

Batay sa pinakahuling ulat, hindi bababa sa walo katao ang namatay sa pagkandarapang makaalis ng Kabul. Nasagasaan ng gulong ng eroplano ang isa at ang isa pa ay kabataang manlalaro ng football na namatay pagkatapos na mahulog sa lumilipad na eroplano. May ulat din ang German Defence Ministry noong Agosto 23 na isang Afghan ang napatay at tatlong iba ang nasugatan sa isang madaling araw na labanan sa pagitan ng mga lokal na gwardya at hindi kilalang mga umatake sa paliparan ng Kabul.

Sagot sa palaisipang bakit nanalo ang Taliban

Palaisipan pa rin sa iilan kung bakit ganuon kabilis kaysa sa inaasahan ang pag-agaw ng estado poder ng Afghanistan ng mga pwersang Taliban. Sa loob lamang ng 10 araw ay naagaw nila ang kabiserang syudad ng Kabul taliwas sa tantya ng administrasyong Biden na aabot pa ng 90 araw ang papet na gubyerno.

Bago nito, siniguro ni US President Biden na hindi mangyayari ang tinatawag na “Saigon moment” (ang katawagan sa nakahihiyang pagkatalo ng US sa gerang agresyon sa Vietnam at ang pagkandarapang pag-atras nila sa bubong US Embassy sa Saigon noong Abril 30, 1975). Pero gayon nga ang nangyayari sa Afghanistan.

Imbes na todo-todong lumaban ay sumuko o tumalilis na lamang ang mga sundalo ng papet na rehimeng Afghanistan, na sinuhayan ng halos walang pagkasaid na rekurso at inarmasan ng United States ng pinakamodernong armamento. Pagkatapos ng 20-taong pananakop, matagumpay na pumasok sa Kabul na walang putok ang mga mandirigmang Taliban na nasasandatahan lamang pangunahin ng mga ripleng AK-47, mga RPG (rocket-propelled grenade launcher) at mga landmine.

Payak ang paliwanag ni Prop. Jose Maria Sison sa dahilan ng pagkatalo ng US sa Taliban sa kanyang artikulong “How to Understand the Current Puzzle in Afghanistan” (basahin sa cpp.ph).

Anya, “Ang palaisipan ay maihalintulad sa digmang bayan sa Pilipinas na nagpupursige, nagpapalawak at nagpapalalim sa mahigit 52 taon, kahit walang tulong militar mula sa labas, laban sa papet na gubyernong sinusuhayan at tinutustusan ng mga armas ng imperyalismong US.”

“Ang susi upang maunawaan ang palaisipang ito ay ang pagkaroon ng makatarungang adhikain laban sa dayuhang dominasyon at isang gubyernong korap at nagpapaunlad hanggang kailangan ng isang gubyernong nakabase sa kanayunan katapat sa korap at brutal na gubyernong nakabase sa syudad.

“Ang katapat na gubyernong ito ay suportado at itinataguyod ng malawak na masa ng mamamayan, pinamumunuan ng isang pampulitikang partido at suportado ng isang hukbong bayan, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga lokal na organo ng kapangyaharihang pampulitika.

“Ang rebolusyonaryong gubyerno ng mamamayan ay nagpapaunlad habang hakbang-hakbang na sumusulong ang matagalang digmang bayan mula sa estratehikong depensiba, estratehikong pagkapatas at estratehikong opensiba.”

Totoong may iilang nagpapakilalang rebolusyonaryong partido ng proletaryado sa Afghanistan. Pero napakaliit ang mga ito upang gumampan ng signipikanteng papel para pamunuan ang anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayang Afghan.

Kaya sabi ni Sison, “Sa kawalan ng isang may kakayahang rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ginampanan ng Taliban ang relatibong progresibong papel (sa akin ang pagdidiin) sa paglaban sa imperyalismo at isang korap at brutal na korap na gubyerno sa kabila ng reaksyunaryong mga katangian ng Taliban bilang isang pwersang pampulitika na teokratiko, religio-sectarian at misyogynist (pagkamuhi sa kababaihan) na bunga ng pagsuporta ng US sa majahedin (mandirigmang Islam) noong dekada 1990.” #

AB: Nagkandarapa ang US sa pag-atras sa Afghanistan