Nakasusulasok na korapsyon ni Duterte
Hindi na napipigilan ni Rodrigo Duterte ang pag-alingasaw ng baho ng korapsyon ng kanyang mga alipures at kasosyong tiwaling negosyante sa pagbili ng pinakakailangang gamit-medikal noong nakaraang taon. Gamit ang kapangyarihan ng estado, bilyun-bilyon ang ninakaw nila sa kaban ng bayan sa porma ng sobrang pagpepresyo. Sa kaso ng face shield, ginawa pang rekisito ang pagsusuot nito para maibenta lamang mga produkto.
Simula pa lamang ng pandemya, nagmaniobra na si Duterte para kopohin ang P275 bilyong pondo sa pamamagitan ng pag-ako ng emergency powers. Inilagak ang pondong ito ng mga ahensyang kontrolado ng kanyang mga heneral at tauhan. Pangunahin dito ang Department of Budget and Management (DBM) na pinangangasiwaan ni Wendell Avisado, kasama si Christopher Lao bilang undersecretary para sa procurement (pagbili). Parehong taga-Davao sina Avisado at Lao at parehong direktang nagmula sa mga upisina ni Duterte. Si Lao ay nagsilbi sa upisina ni Sen. Christopher Go noong espesyal pa siyang asisstant ni Duterte. Mayorya sa kanyang mga transaksyon ay sa mga kumpanyang Chinese. Parehong nagbitiw sa pwesto sina Avisado at Lao nang magsimula nang mabunyag ang mga anomalya sa DBM.
Umalingasaw ang korapsyon nina Go-Lao-Duterte nang ibunyag ng Commission on Audit ang mga anomalya sa lahat ng sulok ng burukrasya. Kabilang dito ang iregular na pagbalik ng Department of Health (DoH) sa P42.4 bilyong pondong pangkalusugan sa upisina ni Lao sa DBM at ang pagbili ng huli ng sobrang pinresyuhang mga face shield at face mask. Sa mga transaksyong isinagawa ni Lao, hindi bababa sa P1 bilyon ang kinita niya. Bumili siya ng facemask na mahigit P27/piraso at face shield na P120/piraso gayong may nagbebenta ng P13/piraso at P20 lamang. Bumili rin si Lao ng mga test kit na P1,720 kada isa, gayong may nabibili sa halagang P925, at mga PPE na nagkakahalaga ng P1,910 kahit pa mayroong nabibiling P945 kada isa.
Napag-alaman sa pagdinig sa Senado noong nagdaang linggo na pinaburan ni Lao ang dalawang kumpanyang Chinese na nakabase sa Davao — ang Pharmally Pharmaceutical Corporation and Philippine Blue Cross Biotech Corporation. Itinayo ang Pharmally noong Setyembre 2019 lamang sa halagang P260,666 pero ginawaran ito ni Lao ng walong kontratang nagkakahalaga ng P8.7 bilyon. Di kataka-taka, tumabo ang kumpanya ng P7.5 bilyon sa 2020 mula sa walang kita noong 2019. Samantala, lumaki ang netong kita ng Biotech mula P260,666 noong 2019 tungong P12.2 milyon sa 2020.
Ang mga may-ari ng Pharmally na si Huang Wen Lie at kanyang anak na si Huang Tzu Yen ay mga kasosyo kay Michael Yang, isa sa mga espesyal na “economic adviser” ni Duterte. Nakasampa laban sa mga Huang at kay Yang ang mga kasong kriminal, kabilang ang panggagantso, sa Taiwan.
Lumitaw ang pangalan ni Yang noong 2017 nang tukuyin siya ng PDEA bilang isang drug lord at sangkot sa ismagling ng shabu sa bansa. Liban kay Duterte, may malapit siyang ugnay kay Nicanor Faeldon, dating hepe ng Bureau of Customs na sinipa sa pwesto noong 2017 dahil sa pagpapalusot ng tone-toneladang shabu sa paliparan ng bansa.
Sa tangkang ilihis ang atensyon ng publiko, inungkat ni Duterte at ni Go ang mga anomalya sa nagdaang rehimeng Aquino at sistemang padrino na dominante sa lahat ng antas ng burukasya. Gayunpaman, bumiyak na ang kanilang dating mga kaalyado sa Senado. Kabilang dito si Sen. Manuel Pacquiao na nagdeklarang handa siyang imbestigahan ang ugnay ni Lao kay Sen. Go oras na may magsampa ng reklamo sa kanyang komite.
Asahang iinit pa ang ungkatan ng korapsyon at batuhan ng baho sa pagitan ng mga burukrata, lalupa’t panahon na ng eleksyon.