Nangangamoy dayaan: Kontrata sa eleksyon, iginawad sa kroni ni Duterte

Binatikos kahapon ng upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas na si Marco Valbuena (@cpp_marco) ang maanomalyang paggawad ng Commission on Elections Chairman sa F2 Logistics ng kontrata para sa transportasyon ng mga kagamitan at suplay para sa darating na eleksyon sa Mayo 22. Ang naturang kumpanya ay naiulat na pagmamay-ari ng kroni ni Rodrigo Duterte na si Dennis Uy. Kabilang rin sa mga nagtatag nito noong 200X si Salvador Medialdea, executive secretary ni Duterte.

“Malayo-layo pa ang eleksyon, pero masangsang na ang amoy ng dayaan,” ani Valbuena. “Sa bagong kontrata ng Comelec, lahat ng balota ay dadaan sa kamay ng kumpanyang pag-aari ng mga alipures at dummy ng tirano,” dagdag pa niya.

Saklaw ng naturang kontrata ang pagdedeliber ng mga kagamitan sa automated election system, mga vote counting machines, balota, at iba pang suplay para sa pambansa at lokal na eleksyon. Nagkakahalaga ang kontrata ng P1.61 bilyon.

Kinwestyon din ang kontratang ito ng grupong Kontra Daya. Anito, hindi katanggap-tangap ang pagbibigay kay Uy ng kapangyarihan na pangasiwaan ang isang susing tungkulin sa eleksyon. Ito ay dahil isa si Uy sa mga nangungunang kontribuytor sa kampanya ni Duterte nang siya ay tumakbo sa pagkapangulo noong 2016. Aabot sa P30 milyon ang natanggap ni Duterte mula kay Uy para sa kanyang kampanya.

#AngBayan

AB: Nangangamoy dayaan: Kontrata sa eleksyon, iginawad sa kroni ni Duterte