Napakaraming tama ng bala: Karima-rimarim na sinapit ng New Bataan 5, nabunyag sa awtopsiya

,

Pinasubalian ng panimulang ulat ng awtopsiya sa katawan ng boluntaryonng guro na si Chad Booc, isa sa limang biktima ng masaker sa New Bataan, ang hinabing kwento ng “armadong engkwentro” ng 10th Infantry Division of the Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kasama ni Booc na pinatay sa naturang masaker sina Gelejurain Ngujo II, isa ring boluntaryong guro ng mga Lumad, Elegyn Balonga, isang manggagawang pangkalusugan, at mga drayber na sina Roberto Aragon at Tirso Añar, matapos silang arestuhin ng mga sundalo sa isang tsekpoynt noong Marso 23, 2022 sa Barangay Andap, New Bataan, Davao de Oro.

Isinagawa ni Dr. Raquel Fortun, isang tanyag na forensic pathologist, ang awtopsiya o pagsusuri sa mga bangkay ng biktima noong Marso 7. Ayon kay Fortun, “Balak talaga silang patayin. Nagtamo sila ng maraming tama ng baril, at dagdag dito, maraming bagay ang tila gustong itago.”

Ayon kay Fortun, ang katawan ni Booc ay nagtamo ng napakaraming tama ng bala sa katawan. Sa dami, magkakadikit ang mga tinamong sugat, dahilan na mahirap tukuyin ang “trajectory” o direksyon ng mga bala. Bali ang gulugod nito na posibleng dahilan ng kagyat na pagkamatay bunga ng “neurogenic shock” kung hindi man kagyat na paralisis o pagkalumpo. Dumanas si Booc ng internal na pagdurugo matapos tamaan ang kanyang baga, “diaphragm”, atay, pali, tiyan, bituka, kanang bato at kanang adrenal gland. Bali din ang “thoracic vertebrae,” ilang tadyang, at basag ang kanyang kanang siko.

Hindi na dumaan sa awtopsiya ang iba pang biktima, naobserbahan ng pamilya nina Elegyn at Gelejurain ang pagkakatulad ng mga tinamo sa katawan ng mga biktima, maramihang tama ng bala at mga pasa.

Nagtamo rin ng ilang tama ng bala ng baril ang katawan ni Jurain, at nabalatan ang isang bahagi ng tiyan at kanang hita. Ang kaliwang paa naman ni Elegyn ay naputol ng ilang pulgada sa ibaba ng tuhod. Putol din ang kanang paa malapit sa bukung-bukong. Ang mga naputol na biyas ay binalot at muling ikinabit gamit ang packaging tape, meron din namuong dugo sa mga daliri ni Elegyn. Base sa nakitang mga marka sa kanyang katawan, binaril din siya sa kanyang kanang tuhod at ibaba ng kanang siko. Mapapansin din ang pagkaputol ng kanyang panga at pasa sa tungki ng ilong.

“Ito ay isang marahas na insidente kung saan limang tao ang namatay. Dapat awtomatiko itong inimbestigahan pero parang wala namang ganoong ginawa,” ayon kay Dr. Fortun.

Kinwestyon ni Fortun ang kakulangan ng impormasyon tungkol sa pagkamatay ni Booc at ng kanyang mga kasama. Sinabi niya na walang impormasyon kung saan aktwal na nangyari ang sinasabing engkwentro at kung paano natagpuan ang mga bangkay sa pinangyarihan.

“Marami kang makukuhang impormasyong sa pinangyarihan. Tinutulungan ka nitong buuin muli ang nangyari. Nakakatulong ito sa iyo na malaman ang katotohanan, ngunit walang ganoon,” sabi pa niya. Inilarawan niyang “overkill” at di makatao ang pagpatay na aniya’y walang dudang isinagawa habang ang mga biktima ay walang kalaban-laban.

Ang resulta ng awtopsiya ay tumutugma sa pagpapatotoo ng mga residente ng Barangay Andap na walang nangyaring engkwentro sa kanilang lugar. Maging ang yunit ng NPA sa lugar ay nagsabi na walang naganap na engkwentro sa lugar at hindi kasapi ng NPA ang mga bikima.

AB: Karima-rimarim na sinapit ng New Bataan 5, nabunyag sa awtopsiya