Nasaan na ang pondo?
Utang ng Pilpinas, nadagdagan ng mahigit 1 trilyon sa loob ng 6 na buwan
Nadagdagan ng mahigit isang trilyon ang utang ng Pilipinas mula 9.8 trilyon sa katapusan ng Disyembre 2020 tungong 11.071 trilyon noong katapusan ng Mayo. Halos sagad na ang tinatayang P11.98 aabutin ng pambansang utang para sa buong 2021.
Malaking bahagi ng utang ay mula sa mga lokal na bangko (71.5%), at ang naltitira ay mula sa mga dayuhang bangko at institusyon. Mula Hulyo 2020, tumaas ang utang ng bansa nang mahigit P2 trilyon (halos kalahati ng pambansang badyet).
Ayon sa mga upisyal ng gubyerno, ang mga utang na ito ay pantustos diumano sa tugon ng rehimeng Duterte sa pandemya at sa programang Build, Build, Build nito. Noong Enero, umabot na sa P641 bilyon ang inutang ng rehimen sa ngalan ng pandemya — mahigit doble mula Hulyo 2020 (P371.67 billion). Malaking bahagi ng mga ito ay inutang para pambili diumano ng bakuna.
Sa unang pagkakataon sa loob ng 14 taon, ang debt-to-gdp ratio ng bansa ay pumalo sa 54.4% noong 2020, kumpara sa 40% noong 2019.
Ang mga bagong inutang na ito ay babayaran ng bansa hanggang 2049. Sa katapusan ng 2020, dumoble na ang ibinayad ng Pilipinas sa utang (P1.16 trilyon) kumpara sa binayaran nito noong 2019 (P583.42 bilyon).
Palaki nang palaki ang inilalaang badyet para sa pagbayad sa interes sa utang ng gubyerno. Ngayong 2021, P531.5 bilyon ang nakalaan, mula P451 bilyon noong 2020 at P354 bilyon noong 2018.