New Bataan 5, dinukot at posibleng tinortyur sa gabi ng Pebrero 23

,

Dinukot at hawak na ng mga pwersa ng militar noong gabi ng Pebrero 23 ang limang sibilyang kinabibilangan ng mga boluntir na guro sa mga paaralang Lumad na pinalabas na mga kasapi Bagong Hukbong Bayan na napatay sa engkwentro sa New Bataan, Davao de Oro. Sa imbestigasyon ng National Democratic Front-Southern Mindanao na inilabas kahapon, ang lima ay hinarang at dinukot ng mga sundalo sa isang tsekpoynt sa Barangay Poblacion, New Bataan, Davao de Oro. Kinabukasan, nakita na lamang ang walang-buhay nilang mga katawan sa Barangay Andap sa parehong bayan.

Ayon kay Rubi del Mundo, tagapagasalita ng NDF-SMR, ang naturang tsekpoynt ay ilang kilometro lamang ang layo mula sa hedkwarters ng 66th Infantry Battalion sa New Bataan. Ang lima ay sina Chad Booc, Gelejurain Ngujo II, Elgyn Balonga, at dalawang drayber na kasama nila. Tinagurian sila ngayong New Bataan 5.

Sa paunang ulat mula sa Save Our Schools Network, ang bangkay ng mga biktima ay mayroong mga sugat at iba pang marka na maaaring tanda ng pambubugbog o tortyur. Ang katawan ni Booc ay inaasahang isasailalim sa isang autopsy sa darating na mga araw.

“Papanagutin ng mamamayang Pilipino ang tiranikong rehimeng Duterte at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa malagim na krimen,” ayon kay del Mundo.

Nauna nang inihayag ng lokal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan at mga masa sa lugar na walang naganap na engkwentro sa kahit saang panig ng New Bataan noong Pebrero 24.

“Malinaw na ang mga hindi armadong sibilyan ay biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang ng pasistang mga sundalo. Para pagtakpan ang kanilang krimen at gawing mga tropeyo sa digma ang mga ito, naghabi ng kasinungalinan ang 10th ID na napaslang sila sa isang engkwentro,” dagdag ni del Mundo.

“Ang tatlong mga aktibista at kanilang dalawang kasama ay hindi mga combatant ni bahagi ng kahit anong yunit ng BHB na nag-ooperasyon sa kanayunan,” paglilinaw pa ni del Mundo. “Sila ay mga tagapagtanggol ng karapatan na ang tanging armas ay kanilang mga panulat, boses at kanilang masikhay na kagustuhang paglingkuran ang mga Lumad at komunidad ng mga magsasaka.”

Samantala, sa isang hiwalay na pahayag, ipinaabot ng BHB-Southern Mindanao Regional Operational Command ang magiging pagsisikap nito para kamtin ang hustisya sa New Bataan 5.

“Titiyakin ng BHB sa Southern Mindanao ang pagbibigay-hustisya sa nangyaring masaker sa paglulunsad nito ng digmang bayan,” ayon kay Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng yunit ng BHB.

Idinagdag rin niya na ang naturang masaker ay isang duwag na paghihiganti ng AFP laban sa mamamayan matapos mabigwasan ng isang yunit ng BHB noong Pebrero 9 sa Barangay Tandawan, New Bataan kung saan maraming kaswalti sa mga sundalo.

AB: New Bataan 5, dinukot at posibleng tinortyur sa gabi ng Pebrero 23