Nicaragua, umalis sa maka-US na organisasyon sa Amerika
Tuluyan nang bumaklas mula sa Organization of American States o OAS ang bansang Nicaragua noong Abril 24. Sa isang pahayag, kinundena ng ministro sa ugnayang panlabas ng bansa na si Denis Moncada ang organisasyon bilang “instrumentong pampulitika para sa interbensyon at dominasyon ng State Deparment ng gubyerno ng US.” Noon pang Nobyembre 2021 ipinaabot ng Nicaragua sa OAS ang intensyon nitong umalis sa organisasyon.
Ayon kay Moncada, hindi kinikilala ng Nicaragua ang OAS bilang kinatawan ng “soberanong unyon ng mga estado sa Latin at Carribean America.” Tinawag niya itong “instrumento ng mga imperyalistang Yanki (Amerikano) para labagin ang mga karapatan at independensya, para gawing lehitimo ang mga kudeta at iba’t ibang anyo at moda (ng interbensyon) sa layuning gapiin — na hindi pa nito napagtatagumpayan — sa pamamagitan ng pagpapahiya, pagpapaluhod at surender, ang aming mga pambansang soberanya.”
Itinayo ang OAS noong Abril 30, 1948 sa tulak ng US (katuwang ang Canada) para likhain ang “pagkakaisa at kooperasyon” ng 34 na bansa sa North at South America. Mula 1990, tumutok ito sa pag-obserba sa mga eleksyon sa Latin at Carribean Amerika. Gumampan ito ng papel para kwestyunin at panghimasukan ang mga demokratikong proseso at pagkapanalo ng mga kandidatong anti-imperyalista.
Nagpahayag ng suporta ang Cuba sa desisyon ng Nicaragua na kundenahin at bumaklas sa OAS. Ayon sa foreign affairs minister nito, napakarami nang pagkakataon na nagbubulag-bulagan ang OAS sa mga kudetang inilulunsad ng US sa rehiyon. Tinawag ng Cuba ang organisassyon bilang “kakunsabo sa mga pagtatangkang paghihiwalay (isolation) at interbensyong militar at mga agresyon sa ekonomya.” Kabilang sa mga krimen nito ang pagpapagamit sa US para ilunsad ang kudeta sa Bolivia, na gumamit ng dahas laban sa mga halal na upisyal at mga institusyon nito.
Noon pang Nobyembre pinuri ni Evo Morales, pinuno ng Bolivia na pinatalsik sa nabanggit na kudeta, ang desisyon ng Nicaragua. Tinawag niya itong “akto ng dignidad” at nagsisilbi para magkaroon ng “pagrespeto sa sarili” ang mamamayan sa Latin America.
Liban sa Nicaragua, hindi rin bahagi ng OAS ang Venezuela at Cuba, mga bansang parehong pinanghihimasukan ng US at ilang beses nang tinarget para baguhin ang pamunuan.