Oil Deregulation Law, ipinababasura sa harap ng pagsirit ng presyo ng langis
Sinisi ng mga progresibong kongresista si Rodrigo Duterte sa di maapulang pagtaas ng mga presyo ng produktong petrolyo sa nakaraang siyam na linggo. Ito ay matapos manawagan si Duterte na hihilingin niya sa Kongreso na repasuhin ang Downstream Oil Deregulation Act.
“Matagal na nating panawagan ang pagbasura sa oil deregulation law pero ang Malacañang mismo lalo na ang mga economic managers nito ang di pumapansin o di kaya ay lantarang tumututol dito. Tapos ngayon ipapasa nila sa Kongreso ang sisi,” bwelta ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.
Nitong Marso, lumampas na sa $100 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan dulot pangunahin ng ispekulasyon at manipulasyon sa presyo ng mga kumpanya sa langis na nagsasamantala sa sigalot sa Ukraine at ibinunga nitong pagkaputol sa suplay ng langis. Sa Pilipinas, siyam na beses nang nagtaas ang presyo ng mga produktong petrolyo mula Enero.
Sa harap nito, umaalma na ang maraming drayber ng dyip at iba pang pampublikong transportasyon. Kamakailan, humiling na ang isang grupo ng mga tsuper ng ₱5 na umento sa pamasahe para makaagapay sila sa sumisirit na presyo ng diesel at gasolina. Iginiit na rin ang kagyat na pagrelis ng subsidyo para sa mga tsuper. Noong nakaraang taon, tumaas ang presyo ng langis ng netong ₱16.
Mula’t sapul, tutol na ang mga demokratikong organisasyon sa deregulasyon ng industriya ng langis kung saan ipinaubaya sa mga kumpanya ng langis ang importasyon, distribusyon at pagprepresyo ng mga produktong petrolyo. Ito ay isinabatas noong 1998.
Sa loob ng dalawang dekada, nagawa ng mga ito ang walang sagka at arbitraryong itaas ang mga presyo. Hindi isinasapubliko ng mga ito ang mga batayan at paraan ng pagkwento ng mga pagtaas. Sa nakaraang dekada, tinatayang tumabo ang mga ito ng bilyun-bilyong kita dahil sa overpricing o sobra-sobrang pagtaas. Kabaligtaran nito, hindi ibinababa o mabagal ang pagbababa ng presyo ng mga kumpanya ng langis ang presyo kapag nagkaroon na ng rolbak ng mga presyo sa internasyunal na pamilihan.
Isa sa iginigiit ng mga progresibong kongresista ang “unbundling” ng presyo ng langis o pagsasapubliko kung saang bahagi ng distribusyon ng langis ibinabatay ang mga pagtaas.
“Liban sa presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, walang nakaaalam sa aktwal na gastos ng mga kumpanya sa langis sa pagbebenta nito,” ayon kay Zarate. Kabilang sa mga ito ang gastos sa pagrerepina (na limitado lamang ang ginagawa sa bansa), pag-iimbak, transportasyon, pagpapasahod sa mga manggagawa nito at gastos sa advertising.
Dagdag pang pahirap ang dagdag na buwis na ipinataw ng rehimeng Duterte sa mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng batas na TRAIN. Sa ilalim nito, nadagdagan ng ₱7.84 ang kada litro ng gasolina, ₱3.36 sa kerosene, ₱2.80 sa diesel, at ₱1.12 kada kilo ng LPG. Noong Mayo 2020, nagdagdag pa ng excise tax na ₱10 ang rehimen sa gasolina.