Organisador ng magsasaka sa Central Luzon, dinukot
Dinukot noong Nobyembre 6 ng mga ahente ng estado si Steve Abua, organisador ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Central Luzon sa Sta. Cruz, Lubao, Pampanga. Nasa biyahe noon si Abua papuntang Bataan para sa isang pulong.
Ayon sa kanyang asawa na si Johanna Abua, ilang oras mula nang dukutin si Steve ay nakatanggap sila ng mensahe mula sa dumukot. Huli siyang nakita sa pamamagitan ng isang video call, kung saan nakasuot ito ng puting t-shirt, bonnet at may busal ang bibig. Binantaan din sila na huwag mag-uulat sa iba at kung hindi ay papatayin ang kanyang asawa.
Si Steve ay dating mag-aaral ng BS Statistics sa University of the Philippines at lider-estudyante. Kabilang siya sa daan-daang mga aktibistang nagpasyang buong panahon na maglingkod sa mga magsasaka matapos ang Hacienda Luisita Massacre noong 2004.
Nanawagan ang iba’t ibang mga organisasyon para agad siyang ilitaw at palayain. Ayon sa Karapatan-Central Luzon ikatlo na si Steve sa mga naitalang biktima ng sapilitang pagkawala sa rehiyon ng Gitnang Luzon sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Para naman sa Partido Komunista ng Pilipinas, walang ibang may kagagawan nito kundi ang National Task Force-Elcac at mga elemento ng estado, sa partikular ang pwersa ng 7th ID ng Armed Forces of the Philippines.
Ani Marco Valbuena, chief information officer ng PKP, ang pagdukot sa mga aktibista at organisador ay malaon nang marumi at brutal na taktika na ginagamit ng 7th ID na sinanay mismo ng dati nilang kumander, ang berdugong si Gen. Jovito Palparan. Napatunayang utak si Palparan sa pagdukot sa mga aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.
Nag-iimbestiga na rin ang Commission on Human Rights sa pagkakawala ni Abua.
Ngayon ang ikapitong araw nang kanyang pagkakadukot.