Pag-atake ng AFP sa isang pamilya sa Negros, pinalalabas na engkwentro

,

Sa desperasyong kamtin ang hibang na layunin na durugin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) bago matapos ang termino ni Rodrigo Duterte, muling nagpakana ang 62nd IB ng isang pekeng engkwentro sa Guihulngan City, Negros Oriental noong Enero 15.

Napatay si Arnold Swerte, isang magsasaka, nang paulanan ng bala ng mga sundalo ang kanyang bahay sa Barangay Sandayao. Kasama ni Swerte sa bahay ang kanyang mga kamag-anak kabilang ang isang menor-de-edad na nasugatan sa pamamaril.

Matapos nito, pinuntahan ng mga sundalo ang kapitbahay ni Swerte na si Ritchie Sabeleo at binugbog. Ikinulong rin ng 62nd IB ang apat na sibilyan at ipinagkalat sa midya na sila ay mga kasapi ng BHB.

Ayon sa lokal na pulis ng Guhuilngan City, sasampahan ang mga magsasaka ng kasong attempted homicide, paglabag sa gun ban at illegal possession of firearms and ammunition. Samantala, ang dalawang menor-de-edad ay ibibinbin sa Department of Social Welfare and Development.

Kinundena ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang walang pakundangang pamamaril sa mga sibilyan. Labag sa ito sa mga internasyunal na tuntunin sa digma at sa Comprehensive Agreement for Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Sa isang pahayag, tiniyak ng yunit ng BHB na mabibigyan-hustisya ang pagkamatay ni Swerte at pagyurak sa karapatan ng mga residente ng Guihulngan City. “Paiigtingin ng hukbong bayan ang mga opensiba nito sa larangang gerilya, laluna laban sa mga pasistang tropa na duguan ang kamay sa pagpapatupad ng maruming gera ng rehimeng Duterte,” pagtatapos ng BHB-Central Negros.

Sa tala ng Ang Bayan, ang isla ng Negros ang ikalawa sa may pinakamataas na bilang ng pampulitikang pamamaslang sa nagdaang taon (mula Disyembre 2020-Disyembre 2021). Umabot ito sa 23. Tumindi ang mga paglabag sa karapatang-tao sa isla matapos ang implementasyon ng Memorandum Order 32 ng rehimeng Duterte noong 2018.

AB: Pag-atake ng AFP sa isang pamilya sa Negros, pinalalabas na engkwentro