Pagbabalik sa klaseng face-to-face, makupad at kulang sa suporta
“Dalawang taon na nating tinitiis ang distance learning na laging disconnected. Disconnected sa tunay na kalagayan at kailangan ng mga guro at mag-aaral na hirap makakuha ng signal para sa online na mga klase, hirap si nanay at teacher ituro ang modules, at walang suporta na nakukuha mula sa gobyerno para sa dekalidad na pag-aaral sa gitna ng pandemiya.” Ito ang pahayag ng Alliance of Concened Teachers noong Abril 1, kasabay ng panawagan para sapat na sahod at suporta sa mga guro para sa ligtas na pagbubukas ng mga eskwelahan.
Noong Marso 22, nasa 10,206 pa lamang sa mahigit 30,000 mga eskwelahan ang bukas para sa limitadong harapang klase sa kabila nang mayorya ng bansa ay nakapailalim na sa Alert Level 1. Ngayong Abril, balak buksan ang dagdag na 14,000 eskwelahan pero 2.7 milyon o 10% na lamang sa 22 milyong mag-aaral ang papayagang pumasok. Sa ngayon, limitadong bilang ng mga estudyante sa Grade 1 hanggang Grade 3 at ilang seksyon ng senior high ang pinayagang pumasok sa mga paaralan.
“Ang ating mga guro ay sabik na para sa in-person learning dahil sobrang nakaaalarma na ang krisis sa pagkatuto,” ayon sa ACT. “Pero di makatarungan na sila pa at ang kanilang mababang sahod ang babalikat sa pisikal na paghahanda sa mga eskwelahan.”
Napag-alaman ng ACT na marami sa mga guro ang gumagastos mula sa sarili nilang bulsa para tugunan ang mga rekisito ng Department of Education para sa ligtas na pagbubukas.
“(N)aghuhugas-kamay na naman ang DepEd sa kanilang mga tungkulin dahil imbis na ang Deped, si teacher ang gumagampan sa kanilang tungkulin,” batikos ni ACT Rep. Frances Castro sa paulit-ulit na pagpapabaya ng ahensya sa kanila.
Ayon sa grupo, dapat prayoridad ng gubyerno na tiyaking kumpleto ang mga kagamitan sa mga paaralan. Dapat nitong paglaanan ng mataas na badyet ang edukasyon at dapat bigyan ng disenteng sahod ang mga guro.
Noong Marso 15, nag-anunsyo ang Department of Education ng ₱15 bilyon para sa ekspansyon ng in-person na pagkatuto. Gayunpaman, bahagi nito ay ipambibili ng laptop at iba pang kagamitan na para pa rin sa long-distance learning.
Samantala, kinundena ng ACT ang paulit-ulit na panre-redtag sa kanila ng NTF-Elcac at ni Rodrigo Duterte mismo.
“Habang hindi tayo magkanda-ugaga sa paghahanap ng pondo para ihanda ang ating mga eskwelahan, abala rin ang NTF-ELCAC sa panre-redtag sa atin at sa oposisyon. Pero siyempre, hindi tayo papayag na waldasin ang pondo ng mamamayan sa walang-pakundangang paglabag sa ating mga karapatan!” pahayag pa ni Castro.