Pagbabawal sa mga libro ng NDFP sa mga aklatan, pinalagan
Pinalagan ng mga akademiko at iba pang sektor ang pwersahang pagtatanggal ng mga libro at babasahing akda ng National Democratic Front of the Philippines at ni Prof. Jose Ma. Sison mula sa mga silid-aklatan ng mga pampublikong unibesidad. Isa sa mga pumalag ang chancellor ng University of the Philippines-Visayas sa Iloilo na si Clement Camposano na nagsabing hindi yuyuko ang unibersidad sa mga dikta ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ipagbawal sa mga silid-aklatan nito ang lahat ng mga babasahing materyal at mga librong itinuturing na “subersibo.” Saklaw ng kalayaang akademiko ang mga silid-aklatan, aniya.
Ang pahayag ay rekasyon ni Camposano sa pagtanggal ng Aklan State University (ASU) sa mga silid-aklatan nito noong Setyembre 24 ng mga libro ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga sinulat ni Professor Jose Maria Sison.
Sabi pa ng UPV Chancellor, walang matatanggal sa mga silid-aklatan ng unibersidad, ni isang librong Marxista, o anumang kapareho o binabansagang “subersibo.”
“Baka dagdagan ko pa ‘yan eh,” sabi ni Camposano sa kanyang Facebook post nitong Setyembre 28 sa paniniwalang isang malayang merkado ng mga ideya ang isang unibersidad.
Ikatlo na ang Aklan State University na nagtanggal ng mga babasahin at mga libro ng NDFP kasunod sa pagyuko ng Kalinga State University at Isabela State University sa Northern Luzon sa presyur ng NTF-ELCAC nitong maagang bahagi ng Setyembre. Ibinigay sa mga upisyal ng pulis at militar ang mga libro at babasahing materyal para umano mabigyang proteksyon ang mga mag-aaral laban sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan.
Nitong linggo, isiniwalat sa isang ulat ng Kodao Productions na bukod sa naunang tatlong pamantasan, tinatrabaho na ng mga upisyal ng National Intelligence Coordinating Agency ang ilang mga pamantasan sa Nueva Ecija para itulak ang pagbabawal sa mga katulad na libro.
Mariing tinuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police sa panggigipit at pamimilit nito sa mga upisyal ng mga paaralan na tanggalin at ipagbawal sa kani-kanilang silid-aklatan ng mga libro at mga babasahing binabansagan nitong mga “subersibo.”
Inilarawan ni Marco L. Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido na “tahasang pagsensura at panunupil” ang ginawang pagbabawal sa mga libro ng NDFP. “Ipinaaalala nito ang pagsusunong ng mga libro ng mga Nazi sa Germany sa pamumuno ni Adolf Hitler noong dekada 1930 kung saan sinilaban sa publiko ang mga librong binansagang subersibo at taliwas sa Nazismo.”
Ang ganitong pagsusunog ay kadalasang makikita rin ngayon sa mga palabas na inoorganisa ng AFP sa buong bansa.
Karamihan sa mga librong ipinagbawal mula sa mga silid-aklatan ng pampulikong paaralang ito ay pumapatungkol sa negosasyong pangkapayapaan at mga pananaw ng NDFP at ng rebolusyonaryong kilusan. Naglalaman ito ng mga sa usapin tungkol sa makatarungan at matagalang kapayapaan at tampok na mga isyu sa lipunan, ekonomya, pulitika, kultura, at militar sa bansa.#
Gayundin, tinawag ni Prop. Sison na mga “pasistang walang alam kundi magsunog ng libro” ang mga nasa kapangyarihang nag-utos nito. Dagdag niya, takot ang mga ito sa mga ideya na tumatangkilik sa pagkakamit ng pambansang kalayaan, demokrasyang bayan, pag-unlad sa pamamagitan ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, siyentipiko at maka-masang kultura at nagsasariling patakarang panlabas.