Pagbati sa mga nars! Demosyon sa ranggo, matagumpay na nalabanan ng mga nars
Nagbunyi ang mga nars kahapon matapos baligtarin ng Office of the President ang Circular No. 2020-4 ng Department of Budget and Management na nagtaas sa sweldo ng mga regular na nars sa entry-level (pinakamababang antas) pero nag-664157236 demote o nagbaba sa ranggo ng mas senior na mga nars (Nurse II pataas.) Ang memorandum ng upisina ng presidente ay inilabas halos isang taon na paglaban ng mga nars sa demosyon at pagtangging itaas ang sahod ng lahat ng mga nars.
Sa bisa ng naturang memorandum, ibabalik ang lahat ng mga na-demote na nars sa dati nilang ranggo at itataas ang sweldo ng mga may katayuang Nurse II tungong P36,000. Mananatili ang dagdag na sweldo ng mga Nurse 1 (itinaas mula P22,000 tunging P32,000). Walang pagbabago sa sweldo ng mga nars na may katayuan Nurse III pataas.
Pinasalamatan ng Filipino Nurses United (FNU), ang organisasyong nanguna sa laban na ito, ang lahat ng mga nars at kanilang mga tagasuporta na lumaban sa di makatarungan at nakademoralisang demosyon.
Habang itinuturing nitong positibo ang pagbawi sa demosyon, binabatikos pa rin FNU ang di pagsama nito sa pampublikong mga nars na di regular (job order at kontraktwal) sa pagtaas ng sweldo. Anang grupo, pareho ang mga tungkulin at trabaho ng mga nars na regular at kontraktwal, kaya hindi dapat magkaiba ang kanilang kumpensasyon. Iginigiit din ng organisasyon na saklawin ng pagtaas ng sweldo ang mga nars na nasa pribadong mga ospital.
Ani pa ng grupo, hindi sila humihingi na espesyal na pagtrato sa gitna ng pandemya. Ang kanila lamang ay itrato sila nang maayos at igalang ang kanilang mga karapatan sa makatarungang sahod at mga benepisyo, at makataong mga kundisyon sa paggawa bilang esensyal na mga manggagawa sa paglaban sa Covid-19.
Ayon sa mga nars, napatunayan na sa pamamagitan ng pagkakaisa at kolektibong pagkilos, maaaring baligtarin ang isang mapang-aping patakaran. Gayunpaman, dapat hindi bitawan ang mas malalaki pang hamon na kinakaharap ng sektor, dagdag ng grupo.