Pagbili ni Dennis Uy sa Malampaya Gas Project, pinarerepaso ng Senado
Pinarerepaso ng Senado sa Department of Energy ang magkasunod na pagbili ng kumpanya ni Dennis Uy na Udenna Corporation sa Malampaya Deep Water Gas-To-Power Project mula sa Royal Dutch Shell nitong taon at sa Chevron Corporation noong 2019. Kontrolado ng dalawang kumpanya ang 90% ng proyekto. Ito ang kaisa-isang operasyon ng pagmimina ng natural gas sa bansa. Matatagpuan ito sa karagatan ng Palawan. Ang natitirang 10% ng proyekto ay hawak ng Philippine National Oil Company.
Binili ni Uy ang 45% ng stake o bahagi ng Shell sa proyekto sa halagang $380 milyon. Nakatakda siyang magbayad ng dagdag na $80 milyon sa pagitan ng 2022 at 2024, depende sa takbo ng proyekto. Samantala, napinal ang pagbili niya ng 45% bahagi ng Chevron sa halagang $565 milyon noong Marso 2020. Sa kabuuan, lampas $1 bilyon o P48 bilyon ang pinalitaw ni Uy para makontrol ang natitirang natural gas sa bansa.
Binitawan ng dalawang dayuhang kumpanya ang kanilang operasyon dahil malapit nang maubos ang reserbang gas sa saklaw nitong lugar. Sa 2024 pa magtapos ang kontrata ng dalawang kumpanya sa gubyerno. Pagsapit ng unang kwarto ng 2027, tinatayang tuluyan nang mauubos ang natitirang 858,834 milyong standard cubic feet na naturang gas sa lugar.
Kinwestyon ni Sen. Sherwin Gatchalian, pinuno ng komite sa enerhiya sa Senado, ang kawalang karanasan ng Udenna Corp. sa pagpapatakbo ng gayong proyekto.
Ayon kay Gatchalian, kailangang tiyakin ang kakayahan at pinansyal na katayuan ng sinumang sasalo sa Malampaya gas project na nagsusuplay sa 35% pangangailangan ng kuryente sa Luzon. Ang gas na nakukuha sa proyekto ay binibili ng First Gen Corporation at kalakhan (56%) ay ibinebenta nito sa Meralco.
Marami ang nagtataka na ipinautang si Uy ng dayuhang mga bangko para bilhin ang Malampaya gas project. oong Abril lamang, naibalita na baon siya sa utang nang hanggang $2 bilyon at nasa proseso na siya ng pagbebenta ng iba niyang ari-arian. Ito ay dahil sa nakaraang apat na taon, kaliwa’t kanan ang kanyang pangungutang para bumili ng mga kumpanya sa enerhiya, pagkain, edukasyon, telekomunikasyon, pasugalan, konstruksyon at iba pa.
Ayon sa balita, ang pondong ginamit ni Uy para bilhin ang 90% ng Malampaya ay purong dayuhan. Walang lokal na bangko o kapital na sangkot sa transaksyon. Nanggaling pangunahin ang utang sa Australia New Zealand Banking Group at ING Bank. Sa kaso ng pagbili ng bahagi ng Shell, pinangasiwaan ang transaksyon ng Farallon Capital, isa sa pinakamalaking hedge fund ng US.