Pagbuwag, at di pagpapalawak, ang nararapat sa NATO

,

Mahigit 5,000 raliyista ang nagtipon sa Madrid, Spain para salubungin ang mga lider ng mga bansang kasapi ng NATO (North Atlantic Treaty Organization) na nagpulong noong Hunyo 28 hanggang Hunyo 30 sa syudad. Lumahok dito ang mga aktibista mula sa International League of People’s Struggles, kasama ang coordinating committee ng kampanyang Fight Against Imperialist Wars. Panawagan nila ang pagbubuwag ng NATO at hindi ang pagpapalawak nito.

Sa pahayag na inilabas nito noong Hulyo 2, kinundena ng liga ang pagpupulong.

“Di katulad sa karaniwang pagpupulong sa nakaraan, ang pagpupulong ngayon ng NATO ay kinatampukan ng walang kapantay na pagtindi ng militarisasyon ng buong Europe at pagpapalawak ng membership nito partikular sa silangan ng Russia at sa pagpapalawak ng impluwensya sa Indo-Pacific bilang pagharap sa banta ng China,” anito.

Tampok sa pagpupulong ang pagpapamyembro ng Finland at Sweden sa alyansa. Ang Finland at Sweden ay mga kanugnog na bansa sa hilaga ng Russia. Mayroong komun na hangganan ang Finland at Russia na sumasaklaw ng lampas 800 milya.

Minadali ito ng US para mapakinabangan ang estratehikong lokasyon ng dalawang bansa laban sa Russia. Noong Hulyo 5, pumirma na ang 30 bansang myembro ng NATO sa tinatawag na “accession protocol” na magpapahintulot sa dalawang bansa na maging myembro ng alyansa. Para maging ganap na myembro, kailangan na lamang iratipika ang protokol ng bawat parlamento ng mga bansang kasapi nito. Tinugunan na ito ng parlamento ng Canada sa araw ding iyon.

Napadulas ang pagpasok ng dalawang bansa sa alyansa matapos i-atras ng Turkey ang prekundisyon nitong i-extradite muna ng Finland at Sweden ang 73 aktibistang Turkish na inaakusahan nitong mga “terorista.” Ang mga aktibistang ito ay mga kasapi o pinagsususpetsahang mga kasapi ng partido komunista o ng kilusang demokratiko na kumalaban sa pasistang rehimen ni Reccep Erdogan noong 2016.

Malaking pangamba rin ang presensya ng South Korea, Japan, New Zealand at Australia sa pagpupulong, ayon sa ILPS. Ipinakikita nito ang pagsaklaw ng impluwensya ng NATO lagpas sa North Atlantic habang pinalalakas ng US ang makinarya sa digma nito sa Indo-Pacific para ipagtanggol ang humihinang pusisyon nito, ayon sa grupo.
Pagtutol sa loob ng Finland at Sweden

Mariing tinutulan rin ng mamamayan sa loob ng Sweden at Finland ang hakbang ng dalawang bansa. Anang ilang grupo, taliwas ito sa prinsipyo ng nyutralidad na siglo-siglo nang paninindigan ng kanilang mga gubyerno. Partikular sa Finland, labag ito sa tratado ng pakikipagkaibigan at nyutralidad na pinirmahan nito kasama ang Russia, una noong 1948, at muli noong 1992.

Higit dito, isinasapanganib ng pagpapamyembro sa NATO ang seguridad ng mamamayan ng Finland at Denmark.

“Hindi nito gagawing mas ligtas at tiyak ang Sweden at ang mundo,” ayon kay Agnes Hellstrom ng Swedish Peace and Arbitration Society sa panayam sa kanya ng Democracy Now noong Abril. “Ang mangyayari ay magiging bahagi kami ng doktrinang nukleyar, at mawawala ang posibilidad na maging boses kami para sa demokrasya, pag-iwas at pagbabaklas ng armas.”

Pero bago pa man naghapag ng pagpapamyembro ang Sweden, bahagi na ito ng panunulsol ng NATO laban sa Russia. Noon lamang Hunyo, ginanap dito ang isa sa pinakamalaking “pagsasanay militar” na nilahukan ng 45 barko, 75 eroplanong pandigma at 7,000 tropa. Ang Sweden din ay isa sa pinakamalaking arms exporter “per capita” sa mundo. Nagsusuplay ito ng armas sa Saudi Arabia para sa brutal na gerang agresyon nito sa Yemen. Lubos na makikinabang ang industriya ng armas nito sa pagpasok ng bansa sa NATO.

Sa kaso ng Finland, bibitawan nito ang natatanging papel bilang nyutral at independyenteng bansa sa Europe para maging “maliit na bahagi” ng NATO, ayon sa mga kritiko nito.

Sa isang pahayag, nagbabala si Pres. Vladimir Putin ng Russia laban sa hakbang. “Marapat nilang malaman na wala silang (Finland at Sweden) kinaharap na banta noon, pero ngayon, kung magkakaroon ng mga tropa at imprastrukturang militar sa kanilang mga teritoryo, gagawa kami ng katumbas na mga hakbang na lilikha ng katulad sa mga banta na nilikha nila kontra sa amin.”

AB: Pagbuwag, at di pagpapalawak, ang nararapat sa NATO