Paghahain ng kandidatura, tapos na nga ba?
Tapos na ang paghahain ng mga papeles para sa pagkakandidato pero animo’y hindi pa pinal kung sino ang pipiliin ni Rodrigo Duterte na kumatawan sa kanyang pangkatin. Sa huling araw ng paghahain, ginawa pang katatawanan ng pangkating ito ang proseso nang biglang sumulpot si Sen. Roland de la Rosa bilang kandidato pagkapresidente ng PDP-Laban, ang partidong inagaw ng pinakamatatapat na alipures ni Rodrigo Duterte.
Batid ng marami na pinaghain si de la Rosa para lamang may mapatakbo ang PDP-Laban at habang pinaiinit pa ang pangalan ng totoong kandidato nito — ang anak ni Duterte na si Sara. Hindi kagulat-gulat na suot ni Bato ang kulay at simbolo ng Hugpong Pagbabago, ang partido ni Sara, nang ihain niya ang kanyang mga papeles sa Comelec. Nang tanungin siya kung payag siya na palitan ng nakababatang Duterte, ang sagot niya: “Mas maganda.” Si de la Rosa ang tatambal kay Christopher Go, na biglang tumakbo bilang bise-presidente, sa kabila ng unang deklarasyon na siya ang kandidatong presidente habang bise niya si Rodrigo Duterte.
Sa loob ng ilang linggo, nagkunwari si Duterte na tatakbo bilang bise-presidente ng kanyang “alalay.” Binawi niya ito at inanunsyo ang kanyang “pagreretiro” noong Oktubre 3, kasabay sa paghain ni Go. Sa araw ding ito inanunsyo niyang “Sara-Go na yan” na nagtutulak sa tambalan ng kanyang anak at ni Go. Hanggang sa huli, hindi nagbago ang desisyon ni Sara na tumakbo muli bilang mayor ng Davao City. Gayunpaman, tuluy-tuloy ang pamamayagpag ng “Run Sara Run” — ang islogang pangkampanya na pinauso ng makinarya ng kanilang pamilya noon pang nakaraang taon.
Ngayon, tulad sa eleksyong 2016, ang pagtangging magpinal ng kandidatura ay ginagamit bilang taktika ng pagbuo ng upinyong publiko. Palabas lamang ang sinasabing “pagdadalawang-isip”o “hindi pag-abot ng desisyon.” (O sa kaso ni Duterte noong 2016, “paghihintay ng abiso ng diyos.”) Natapos man ang paghahain ng kandidatura noong Oktubre 8, maaari pang magpalit ng mga kandidato hanggang Nobyembre 15.
Bago si Bato, naghain ng pagkakandidato bilang presidente si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang pinakamalaking alyado ng pamilyang Duterte. Tulad ni Duterte, itinutulak din ng pamilyang Marcos ang pagtakbo ni Sara at pagtambal ni Bongbong sa kanya. Isang “tambalang gawa sa langit” ang paglalarawan noon ni Imee Marcos sa tambalang Sara-Bongbong. Naghain si Marcos ng kanyang mga dokumento noong Oktubre 4. Wala siyang katambal na kandidato. Aniya, handa na sana siyang dalhin bilang katambal si Duterte bilang bise, pero bukas din siyang dalhin si Bong Go, bilang kahalili.
Anu’t anupaman ang pinal na tambalan — Duterte-Go, Marcos-Go, Duterte-Marcos, Marcos-Duterte o kahit Bato-Go — lahat ng ito’y magsisilbi sa layunin ng pamilyang Duterte at ng Marcos na makapanatili sa poder. Bahagi pa ito ng pagnenegosasyon ng mga magkakaalyadong pangkat kung papaano nila paghahatian ang kapangyarihan sakaling sila ang manalo sa reaksyunaryong eleksyon.
Sa kabilang panig, nag-anunsyo na rin si Leni Robredo ng kanyang kandidatura noong Oktubre 7. Ito ay matapos ang ilang linggo ng di produktibong pakikipag-usap sa ibang mga kandidatong “oposisyon.” Bago nito, hinirang na siya ng 1Sambayan bilang kinatawan ng alyansa. Agad niyang tinanggap ang nominasyon.
Tatakbo si Robredo bilang independyente at hindi bilang kandidato ng kinabibilangan niyang Liberal Party (LP). “Lalaban tayo!” ang kanyang panawagan at namulaklak ng kulay pink ang mga social media account ng kanyang mga tagasuporta. Sa sumunod na araw, sinamahan niya si Francis Pangilinan, presidente ng LP, para maghain ng kandidatura pagkabise-presidente. Sa araw na iyun, nagtrending ang #LeniKiko2022, kasabay ang panawagang #LetLeniLead. Balak ni Robredo na magbuo ng hanay ng mga kandidato pagkasenador hindi lamang mula sa LP kundi mula sa iba’t ibang paritdo.
Ayon kay Robredo, isang salik bakit nagpasya siyang tumakbo ay ang pagkakandidato ni Bongbong Marcos dahil sa panata niyang hadlangan ang panunumbalik ng pamilyang Marcos sa Malacanang. Maaalalang noong 2016 ay tinalo niya si Bongbong sa pagkabise-presidente. Halos anim na taong nilabanan ni Marcos ang resulta ng eleksyon at kamakailan lamang pinal na pinagtibay ng Korte Suprema ang pagkapanalo ni Robredo. Marami ang nagsasabing “Round 2” ng labanang Robredo-Marcos ang eleksyong 2022.
Sa araw na iyon, nag-trending sa Twitter ang hashtag na #WithdrawIsko na tumutukoy kay Isko Moreno, mayor ng Maynila, at nananawagan sa kanya na umatras sa kanyang kandidatura para bigyan-daan si Robredo. Naghain ng kandidatura pagkapresidente si Moreno noong Oktubre 4, katambal si Willie Ong, isang duktor na kilala sa Youtube. Tumatakbo ang dalawa sa ilalim ng partidong Aksyon Demokratiko, ilang araw lamang matapos sila maging mga myembro nito.
Isa si Moreno sa mga kinausap ni Robredo sa layuning pagkaisahin ang “oposisyon.” Walang naabot sa mga usapan dahil sa “di magkaparehong prinsipyo.” Bago nito, isa sa mga pinagpilian ng 1Sambayan si Moreno pero mula’t sapul ay tumanggi siyang pumaloob sa pagsisikap ng alyansa na magkaroon ng solong kinatawan ang oposisyon. Itong Oktubre 8, animo’y itinakwil ni Robredo si Moreno bilang bahagi ng “oposisyon” nang sabihin niyang siya at kanyang kampo lamang ang maituturing na “tunay na oposisyon” dahil sa kanilang konsistent na paninindigan mula nang maupo si Duterte. Nito na lamang taon naging maingay si Moreno laban kay Duterte, matapos lumitaw na patatakbuhin ni Duterte ang kanyang anak.
LIban sa mga nabanggit na, naghain din pagkakandidato si Manny Pacquiao sa ilalim ng partidong Probinsiya Muna Development Initiative or Promdi. Unang binalak ni Pacquiao ang tumakbo sa ilalim ng PDP-Laban, bago siya sipain ng “baguhang” mga myembro na tapat kay Duterte. Katambal niya ang dating meyor ng Maynila na si Lito Atienza.
Naghain ng papeles pagkakandidato ang pinakaunang nabuong tambalan — ang tambalang Panfilo Lacson-Tito Sotto — noong Oktubre 6. Tulad kay Moreno, nakipag-usap sa kanila si Robredo para sa posibleng pagtutulungan pero walang naabot ang usapan. Di tulad ni Moreno, hindi pumasa sa mga kwalipikasyon ng 1Sambayan pareho si Lacson at Sotto.