Pagharang sa mga rebolusyonaryo at progresibong website, malawakang kinundena
Kabi-kabila ang pagkundena ang sumalubong sa kautusang pag-“block” o pagbabawal ng mga kumpanyang telekomunikasyon sa 28 website kabilang ang website ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng National Democratic Front of the Philippines, pati na ng mga alternatibong midya at mga internasyunal na organisasyon.
Ang kautusan ay ginawa ng National Telecommunications Commission noong Hunyo 8 alinsunod sa sulat ng hepe ng National Secutiry Council na si Gen. Hermogenes Esperon na nagbansag sa mga website na “terorista.” Iginiit ni Esperon na ang naturang pag-block ay nakaayon sa walang-batayang designasyon ng Anti-Terror Council sa Partido Komunista ng Pilipinas bilang isang teroristang organisasyon at mga binansagan nitong “tagasuporta” o “may kaugnayan” sa Partido.
Tinawag ng PKP na “lantarang pagsesensor” ang hakbang, na anito’y nakatuon sa “pagsupil sa karapatan ng mamamayan na malayang magpahayag ng kritisismo laban sa naghaharing pangkatin at sistema, at para magpalaganap ng progresibo, anti-imperyalista at rebolusyonaryong mga ideya.” Nakikita ito ng PKP bilang paunang hakbang ng papasok ng rehimeng Marcos II para sa isang pangkalahatang crackdown sa midya sa tabing ng “kontra-terorismo.”
“Walang kinalaman sa terorismo ang MAD (Marcos Anti-Democracy) Firewall,” anito. “Wala (itong) iba kundi lantarang pagsesensor.” Ipinakikkita lamang nito kung paano ginagamit ng estado ang “kontra-terorismo” bilang arbitraryong kategorya para supilin ang lahat ng tipo ng oposisyon at paglaban ng mamamayan.
“Nangyari na ang kinatatakutan naming mangyari,” pahayag ng National Union of Journalist in the Philippines kaugnay sa pinakahulingn atake sa mga alternatibong website. “Ang banta na gagamitin ang anti-terror law bilang instrumento para supilin ang lahat ng tipo ng kritisismo ang nagtulak sa NUJP na magsampa ng petisyon sa Korte Suprema (laban dito).”
“Hindi terorismo ang pamamahayag. Ang pagsisiwalat ng katotothan ay hindi dapat bansagang terorismo,” ayon sa Bulatlat, isa sa mga website na nasa listahan. “ Ang pagbibigay ng espasyo sa mga kritiko sa pulitika, kabilang ang mga komunista, ay bahagi ng trabaho. Sa pagbansag ni Hermogenes Esperon Jr dito bilang “teroristang panunulsol” ay bahagi ng pagpapatindi ng panunupil sa midya.”
“Anong kahibangan ito?” bwelta ng Pinoyweekly, isa pa sa mga website na nasa listahan. “Kahit ang pagtunggali sa pangkahulugan ng gubyerno sa “terorista” ay terorismo na… Kasalungat ito sa esensya ng demokrasya at eksaktong depinisyon ng tiraniya.”
“Hindi ang di makatarungang binansagang mga “terorista” dahil sa kanilang pagsisiwalat ng katotohanan ang pinakamalaking banta sa demokrasya sa ngayon kundi ang mga ahente ng estado tulad ni Esperon at ng National Security Council na nagkalakat ng disimpormasyon para bigyan-katwiran ang panunupil sa pulitika,” ayon sa Altermidya.
Liban sa Bulatlat at Pinoyweekly, nasa listahan ni Esperon ang isa pang website na alternatibong midya, anim na website ng mga lokal na aktibistang grupo, tatlo ng progresibong mamahayag at akademiko, dalawa ng internasyunal na organisasyon, dalawa ng internasyunal na mamamahayag, isang news blog at isang blog ng mga aktibistang Indian. Kasama sa listahan ang mga website ng Monthly Review at Counterpunch, dalawang website ng mga progresibo na nakabase sa US, pati na ang International Action Center na ipinundar ni Ramsey Clark, kilalang progresibong Amerikano at dating Attorney General sa US.
Nagpahayag rin ng matinding pagtutol sa hakbang ang Pamalakaya, International League of People’s Struggles at iba pang nasa listahan.
Ayon kay Ret. Justice Antonio Carpio, hindi maaring i-block ng NTC ang mga website ng mga organisasyong walang designasyon bilang “terorista.”
“Maaari nilang hamunin ang kawastuan ng kautusan dahil wala naman sila sa listahan bilang mga teroristang organisasyon,” ayon sa husgado.
Kahit ang website ng CPP ay hindi maaaring i-block kahit itinuturing itong “terorista” ng ATC. “(A)ng tanging resulta (consequence) sa pagiging designated bilang teroristang organisasyon ay ang pag-freeze ng Anti-Money Laundering Council sa (kanilang) mga bank account,” aniya.
Ito rin ang ligal na upinyon ni Ted Te, dating tagapagsalita ng Korte Suprema at abugado sa Free Legal Assistance Group. Hindi konstitusyunal ang kautusan, aniya, dahil ito ay “prior restraint” sa mga mamamahayag o nagbabawal sa nilalaman bago ito mailathala.