Paglaban ng mga Subanen sa ilalim ng batas militar

, ,

Sa ilalim ng batas militar, kaliwa’t kanan ang mga masaker sa Mindanao, kabilang sa tribong Subanen sa Western Mindanao. Marami sa kanila ay gustong palayasin ni Ferdinand Marcos Sr sa kanilang mga lupang ninuno para bigyan daan ang komersyal na pagtotroso at dayuhang minahan. Marami sa malalalang paglabag sa kanilang mga karapatan ay di na umabot sa mga pahayagan, liban sa mga pahina ng Ang Bayan.

[Ang mga tampok na artikulo na halaw sa mga lumang isyu ng Ang Bayan ay muling inilalathala ng PRWC bilang sangguniang pang-istoriko. Ang mga ispeling at salitang ginamit ay hindi na binago.]

Mula sa Ang Bayan, Tomo X Bilang 8, Hulyo 31, 1978

Ayaw tumira ng mga Subanen sa mga kampo ng rehimen

Buong giting na nilalabanan ng pambansang minoryang Subanon sa Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur ang mga atas ng pasistang rehimeng Marcos na palayasin sila sa kanilang mga tahanan at sakahan, at ikulong sila sa mga concentration camp nito.

Ayon sa ulat mula sa Mindanaw, ayaw sumunod ang maraming Subanon sa utos na pagpapalikas sa kanila. Ang mga napupwersa namang sumunod at tumatakas sa unang pagkakataon at bumabalik sa kani-kanilang baryo.

Sa kanilang makatarungang pakikibaka, sumsabay ang mga Subanon sa mga pambansang minoryang Igorot sa mga bulubunduking probinsya (Montanyosa) at iba pag kababayan sa Cagayan Valley at sa ibang dako ng Pilipinas na gumagamit ng legal at ilegal na paraan upang biguin ang pasistang rehimen.

Ang pagpapalikas sa masa ay karaniwan nang taktika ng reaksyunaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) sa mga lugar na mabilis magpatatag ang Bagong Hukbong Bayan.

Upang mawalan umano ang BHB ng baseng masa, sapilitang pinaaalis ng AFP ang mga mamamayan sa kani-kanilang baryo at pinapupunta sila sa kabayanan o lugar na malapit sa destakamento ng PC-CHDF. Minsang naroon, pinapabayaan na lamang sila.

Itinuturing na “free fire zone” ang mga baryong nilisan at ibinibilang ng AFP sa kaaway ang sinumang makita roon. Kadalasa’y nagnanakaw ang mga papet na sundalo sa mga bahay at sakahan ng masa habang nagugutom ang masa.

Ang pagtutol ng mga Subanon sa pagpapalikas sa kanila ay inilarawan ng Asdang, pahayagang masa sa Mindanaw, sa isang ulat hinggil sa lagim na hinahasik ng rehimen, lalo sa dalawang lalawigan sa Zamboanga.

Ayon sa pahayagan, 40 pamilyang Subanon ang sabay-sabay na umalis sa concentration camp ng kaaway sa baryo Nueva Vista, bayan ng Sergio Osmena, Zamboanga del Norte, matapos maganap ang dalawang madugong krimen ng PC-CHDF. Walang nagawa ang destakamento ng PC na nagbabatay sa kanila nang sabay-sabay nilang igiit ang kanilang karapatan.

Ang una sa madugong krimen ng mga pasistang pwersa ay naganap noong Abril 26, 1976, nang umalis ang mag-asawang Subanon sa concentration camp (“live-in” ang tawag ng pasistang militar) upang kumuha ng pagkain sa kanilang sakahan. Ang mag-asawa ay sina Marcos at Erlinda Tawi.

Nang matuklasan sila ng 40-kataong patrulyang PC-CHDF, pinagkatay sila ng baboy. Pagkatapos ay pinagsasaksak sila, kasama ang kanilang limang-taong gulang na anak. Nagnakaw pa ang mga pasista sa bahay ng mga Tawi bago ito sinunog, kasama ang bangkay ng buong pamilya.

Ang mga berdugo ay pinamunuan nina Sarh. Bergdio Gallano ng PC, C1C Millienes, at Nonoy Gariana, anak ng pinuno ng CHDF at kapitan del baryo ng San Franciso, Osmena.

Pagkaraan ng dalawang araw, inaresto naman ng grupo ni Gallano si Panyo Tawi, kapatid ng nasawing Marcos Tawi. Pinahirapan siya sa pamamagitan ng bugbog at maraming hiwa sa katawan bago siya dinala. Hanggang ngayo’y wala pang balita kay Panyo Tawi.

“New Sicayab”

Ang unang karahasang tinukoy ng Asdang sa dokumentadong ulat nito ay ang pagmasaker sa pitong tao sa baryo San Isidro, Osmena nooong Hulyo 1975. Pinagpatung-patong na lamang ang mga bangkay sa hukay na tinatawag na “New Sicayab” sa baryong iyun.

Ang mga biktima ay sina kapitan del baryo Bodiongan ng Marapong, kapitan del baryo Gapol ng Mabuhay, konsehal Tano at ingat-yaman Gaudencio ng Marupong, at tatlo pang ibang mamamayan.

Ayon sa ulat, ang pito ay pinatawag sa isang pulong ni Alkalde Bienvinido Andilab ng Osmena. Bago makaalis, inaresto at minasaker sila ng isang yunit ng PC-CHDF na pinamunuan nina Sarh. Magsalay at William Paalisbo, pinuno ng CHDF.

Buhat noon, ayon sa Asdang, marami nang iba pang mamamayang inilibing ang mga pasista sa “New Sicayab.” Buhay pa nang ilibing ang marami sa mga biktima. Ang ilan ay bata. Pinaghihinalaan daw silang simpatisador ng Bagong Hukbong Bayan.

Batay sa di-kumpletong pagbilang ng mga koresponsal ng Asdang, hindi kukulangin sa 33 katao ang pinatay ng sandatahang pwersa ng rehimen mula noon. Ang marami pang iba ay binaril at nasugatan, ang iba nama’y pinahirapan at ikinulong. Ang iba pa ay nawala na lamang at hindi na nabalitaan.

Kabilang sa mga pusakal na berdugo ng rehimen sa lugar sina Sarh. Magsalay, pinuno ng destakamento ng PC sa Osmena, Sarh. Al-os, Sarh. Juanito Dacoma, Sarh. Willaim Balisi at isa pang sundalong PC na nagngangalang Undo Pendong, sa Katipunan, Zamboanga del Norter; Pisto Pakyaw, pinuno ng CHDF at kapitan del baryo ng San Antonio, Dumingag, Zamboanga del Sur; Nardo Oneza, pinuno ng CHDF sa Princesa Prisia, Osmena at Mameng Otlang, kasapi ng CHDF sa San Isidro, Osmena.

Bukod sa mga karahasang natukoy na, itinala ng Asdang ang sumusunod na iba pang mga krimeng naganap sa Osmena at Katipunan, Zamboanga del Norte, at sa Dumangig, Zamboanga del Sur.

Matagumpay na pagtakas

Sityo Laconuyan, San Antonio, Osmena, Setyembre 1975. Hinabol at pinaputukan ng CHDF ang isang grupo ng mamamayang ayaw lumikas sa kanilang mga tahanan para tumungo sa concentration camp ng pasistang militar. Tinamaan sa balikat si Cato Binsacio ngunit nakatakas siya. Kabilang sa CHDF sina Pisto Pakyaw, konsehal Bandoy Angas ng San Antonio, isang kasapi ng CHDF na Enerio ang apelyido, at dalawang magkapatid na Abuso ang apelyido.

San Isidro, Osmena, Oktubre 1975. Inaresto sina Boy Ramot, 18, isang pambansang minoryang Subanon, at kanyang ina habang nagsasaka sila sa sityo Laconuyan. Pinaghinalaan si Ramot na isang Pulang mandirigma. Dinala sila ng CHDF sa San Isidro kung saan binaril at pinatay si Ramos nina Sarh. Magsalay at Al-os. Ibinaon ang bangkay niya sa “New Sicayab.”

Sityo Gendayon, Dabiak, Katipunan Oktubre 8, 1976. Minasaker ng 20 tauban ng CHDF ang 12 Subanon, kabilang ang isang babae at tatlong bata. Ang namuno sa mga berdugo ay sina Sarh. Balasi, Sarh. Dacona at Undo Pendong. Pagkatapos pagnakawan ang kanilang mga bahay, sinunog ang mga ito, kasama ang mga bangkay. Inutusan ang ibang masa na anihin ang tanim ng mga biktima at ibigay ito sa nga sundalong PC sa Dabiak, Karupay at Gisokan.

Sityo Sapinitan Guimitan, Dumingag, Oktubre 1976. Sinalakay ng patrulyang PC-CHDF ans limang Subanong tumutol sa “live-in’ ng militar. Lumundag sila sa kanilang mga bahay at nakatakas, kahit tinamaan ang isa sa braso at binti. Ninakaw nina Pisto Pakyaw, Nardo Oneza at Pedro Balladares, kapitan del baryo ng Nazareth, Osmeña, ang naiwang bigas, baboy at manok ng masa.

Dabial, Katipunan, Hunyo 1977. Pinatay si Pedro Pablo, 21, sa “live-in” dahil nahuli siya sa roll-call o pagtawag ng mga pangalan. Itinapon ang kanyang bangkay sa kubeta. Iniulat ng kanyang ina ang pangyayari ngunit binalewala ito sa Kampo Hamac sa lungsod ng Dipolog.

Sityo Kalubian, Salvador, Dumingag, Agosto 1977. Binaril at pinatay ng CHDF si Titan Saliao, 22, magsasakang Subanon, habang naggagapas siya ng palay. Ang patrulyang CHDF ay pinamunuan ni Boning Silagan, pusakal na mangangamkamng lupa at mangangalabaw

Guimitan, Dumingag, Setyembre 1977. Limang pamilyang Subanon ang inaresto habang naggagapas sila ng palay. Kinumpiska ang palay na kanilang inani at kinatay ang kanilang mga baboy. Ang patrulyang PC-CHDF na gumawa nito ay pinanunuan nina Sarh. Magsalay at Al-os, at nina Mameng Otlang at Nardo Oneza. Sinunog din ang mga bahay ng masa,

Habang naggagapas

Sityo Cumangoy, lazareth, Osrneña, Setyembre 29, 1977. Pinatay si Bernal Mondarte, 40, habang naggagapas ng palay. May kasama siyang anim na iba pang Subanon nang kubkubin at paputukan sila ng 30-kataong yunit ng PC-CHDF. Ang mga pasista ay pinamunuan nina Balisi, Dacona at Pendong. Nagnakaw pa sila ng 150 sakong palay, manok, baboy at iba pang ari-arian mga magsasaka.

Sityo Piati, Licabang, Dumingag, Oktubre 27, 1977. Ginahasa si Dami Ariata, 18, dalagang Subanon, ng mga lasing na tauhan ng CHDF. Nang mag reklamoo sila ng kanyang mga magulang, binalewala ng pinuno ng PC at ng kapitan del baryo ng Licabang, na tumanggap ng suhol na 2800 mula kay Boning Silagan.

Sityo Logdeck, Gisokan, Katipunan, Disyembre 28,1977. Inaresto at pinatay ang tationg Subanon ng 20-kataong yunit ng PC-CHDF. Nangingisda sila sa ilog nang makita sila ng mga pasista. Nang matuklasan na may dala silang 21,000, pinatay sila at ninakaw ang pera, na ibinigay ng isang pari upang ibili nila ng kabayo at ilang damit. Ang mga berdugo ay pinamunuan ni Balisi.

Pangaki, Dumingag, Enero 1978. Dinukot ng CHDF sa pamumuno ni Pisto Pakyaw ang isang Subanong nagngangalang Loriano. Dinala siya sa San Isidro, kung saan iimbestigahin daw siya ni Sarh. Magsalay. Isa siyang bilanggo at sapilitang pinagtatrabaho sa sakahan ni Magsalay.

Ilan lamang ito sa marami nang krimen ng pasistang rehimeng Marcos sa kanlurang Mindanaw.

Kabalikat ngayon ng Bagong Hukbong Bayan ang masa sa paniningil sa marami nang dugong inutang ng mga pasistang militar, at sa pagpapasulong sa pambansang demokratikong rebolusyong magbabagsak sa bulok at marahas na rehimeng Marcos.

AB: Paglaban ng mga Subanen sa ilalim ng batas militar