Paglilinaw kaugnay sa dalawang Pulang mandirgmang napaslang sa Surigao noong Abril 29
Dalawang Pulang mandirigma ang napaslang habang nagpapatupad ng kanilang mga tungkulin sa Barangay Nurcia, Lanuza, Surigao del Sur noong Abril 29. Kinumpirma ito ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Surigao del Sur, ngayong araw, Mayo 2.
Gayunpaman, kinwestyon ni Ka Sandara ang sinasabi ng 36th IB na nagkaroon ng limang-minutong palitan ng putok sa insidente.
“Nagulat kami sa pinalabas ng militar na nagkaroon ng limang minutong palitan ng putok dahil isang maiksing armas lang ang dala ng dalawang Pulang mandirigma,” saysay ni Ka Sandara. “Dalawang tao lamang at hindi grupo ang nakasagupa ng militar.”
Pinasinungalinan din ni Ka Sandara ang ulat na may isang ripleng M16 ang nakuha ng mga sundalo ng 36th IB sa naturang insidente. Ang sundalong sugatan na sinasabi ng militar ay pinakamalamang tinamaan sa crossfire ng sarili nilang mga pwersa, aniya.
Nanawagan si Ka Sandara na ilitaw ng militar ang mga bangkay ng dalawang mandirigma at ibigay ang mga ito sa mga pamilya nang sa gayon ay mabigyan ng disenteng libing.