Pagod at mababang sahod: Patuloy ang pagreresayn ng mga nars
Sa gitna ng pangangalandakan ng rehimeng Duterte na bumababa na umano ang tantos ng impeksyon ng Covid-19, naiulat noong Oktubre 20 ang tuluy-tuloy na pagbibitiw ng mga nars sa mga pribadong ospital. Pahayag ng Private Hospitals Association of the Philippines, 5 hanggang 10 porsyento ng kabuuang bilang ng nars ang nagresayn sa nakaraang ilang linggo lamang. Ibinahagi naman ni Jao Clumia ng St. Luke’s Medical Center Employees Association na mula noong Enero, 230 nars na ang nagresayn sa St. Lukes Medical Center-Quezon City.
Nagbabala rin ang mga duktor ng Private Hospitals Association na maaaring gumuho ang sistemang pangkalusugan ng bansa kung magpapatuloy ito. Anila, kung hindi ito mapipigilan, maaaring sa susunod na anim na buwan mauubusan na ng mga nars ang mga pribadong ospital. Tiyak ang malaking epekto nito sa mga ospital at pasyente.
Ibinahagi ni Lourdes Banaga, nursing director sa Lipa Medical Center, na 200 nars ang nagresayn simula ng pandemya at 63 na lamang ang naiwan noong Setyembre.
Sa Iligan City, mahigit 14 nars ang sabay-sabay na nag-resayn noong Mayo dahil apat na buwan na silang hindi pinasasahod. Kinuha sila sa simula nang pandemya at pinangakuan na tatanggap ng ₱24,000 kada buwan. Palusot ng lokal na pamahalaan, “nalimutan” umano nila ang programa kung saan nakapaloob ang mga nars at hindi ito naisama sa badyet.
Umaalma sina Clumia at Banaga sa mababang sahod at mahahabang oras sa pagtatrabaho. Ayon kay Clumia, maraming nars ang nagtatrabaho nang 12-16 oras dahil hindi nila basta maiwan ang kanilang mga pasyente kung wala silang karelyebo.
Dagdag pa ng Filipino Nurses United, kakatwa ang sitwasyon ng bansa ngayon dahil isa ang Pilipinas sa nangungunang eksporter ng manggagawang pangkalusugan. Ayon pa sa FNU, marami sa mga nars sa mga pampublikong ospital ang nagtitiis sa ₱22,000 buwanang sweldo, nang walang benepisyo tulad ng hazard pay. Mas malala pa sa pribadong sektor kung saan may sumusweldo lamang ng ₱8,000 kada buwan.
Marami sa mga nars ang hindi pa nakatatanggap ng ipinangakong mga benepisyo. Sa press conference ng Private Hospital Worker Alliance of the Philippines noong Oktubre 24, muli silang nanawagan na ipamahagi na ang ipinangako ng Department of Health na alawans. Kinundena nila ang ahensya sa pagpapalusot at pagbunton ng sisi sa mga ospital. Anila, isinumite na ng mga ospital ang kinakailangang dokumento pero wala pa rin silang natatanggap hanggang ngayon.