Pagpabor ng Korte Suprema sa batas “kontra-terorismo,” hiniling na baliktarin

,

Naghain ng motion for reconsideration ang mga abugado mula sa National Union of People’s Lawyers at Integrated Bar of the Philippines sa Korte Suprema na umaapela dito na baligtarin ang una nitong desisyong pabor sa Anti-Terrorism Law noong Marso 2.

“May mga bahagi sa ating kasaysayan na hindi na dapat maulit, laluna yaong mga nagluluwal ng kahindik-hindik na mga pang-aaresto, pagdukot at pagkawala, tortyur at pagpaslang,” ayon sa mga abugado sa omabunga ng kanilang petisyon. Pinatungkulan nito ang mga krimen sa ilalim ng batas militar ng diktadurang Marcos.

Lubos na ikinabahala ng mga petisyuner ang kahihitnan ng batas sakaling manalo si Ferdinand Marcos Jr., anak ng dating diktador.

“Buhay ng mamamayan ang nakataya rito, ang kalayaan natin ang nakataya rito. Pinatatahimik tayo at hindi natin mawari ang isa pang Duterte o isa pang Marcos ang maluluklok sa pwesto habang mayroon itong anti-terror law,” ayon sa isa sa mga petisyuner na si Atty. Virginia Suarez. Aniya, kung magkagayon, lalo’t higit kailangan na malinaw ang depinisyon ng terorismo.

Hiningi ng mga abugado na bigyan muli ng mga husgado ng konsiderasyon ang mga inihapag nang mga pagtutol sa batas. Kabilang dito ang walang mandyamentong pang-aaresto at matagalang detensyon nang walang kaso na pinagtibay ng Korte Suprema sa halos patas na botohang walong pabor at pitong di pabor.

Hiling ng isa sa mga petisyuner na si Atty. Tony La Viña na bigyan ng Korte Suprema ng konsiderasyon ang nakamamatay na mga resulta ng batas, tulad ng sinapit ng kanyang kliyente na si Chad Booc na nired-tag at pinatay ng militar nitong Marso.

Kabilang sa mga halos patas ang pabor at di pabor ay ang probisyon kaugnay sa “pag-oorganisa na may layuning magsagawa ng terorismo” at ang arbitraryong kapangyarihan ng Anti-Terror Council na ideklarang terorista ang isang indibidwal batay sa sarili lamang nilang batayan at walang paglilitis.

Liban sa dalawang nabanggit na abugado, kasama sa naghain ng mosyon sina Neri Colmenares, Edre Olalia, Jose Deinla, Randall Tabayoyong at Howard Calleja.

AB: Pagpabor ng Korte Suprema sa batas “kontra-terorismo,” hiniling na baliktarin