Pagsanib ng pangkating Estrada sa alyansang Marcos-Arroyo-Duterte, inihalintulad sa rekrutment ni Satanas
“Parang nagparekutment si Satanas,” ang paglalarawan ng Kilusang Mayo Uno sa pagsanib ng pangkating Estrada sa alyansang Marcos-Arroyo Duterte. Inianunsyo ang pagsanib ang Partido ng Masang Pilipino, partido ni Joseph Estrada, sa alyansang MAD at pagsuporta nito sa tambalang Marcos Jr-Duterte-Carpio noong Nobyembre 25. Pormal itong pumaloob sa diumano’y “UniTeam Alliance” kung saan makakasama nito ang Partido Federal ng Pilipinas ng mga Marcos, Hugpong ng Pagbabago ng mga Duterte at Lakas–CMD ni Macapagal-Arroyo.
“United sa pagpapahirap, pagpatay at pagnakaw sa kaban ng bayan,” bwelta ni Jerome Andonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. “Doble-kayod at obertaym sila para payamanin ang mga sarili at mga kapanalig nila, habang isang-kahit, isang-tuka ang mamamayan.”
“Tandem M-A-D-E in hell” naman ang tawag ni Rep. Carlos Zarate sa pagsasanib-pwersa. “Convicted na mandarambong, pinatalsik na mga pangulo, mandaraya sa eleksyon, at mamamatay-tao. Hindi sila dapat mamuno sa ating bayan,” aniya.
Si Estrada ay na-impeach, napatalsik sa Malacanang noong 2001 at sa kalauna’y nahatulan sa kasong plunder. Binigyan siya ng pardon ni Arroyo sa 2007. Si Arroyo ay nakulong din sa kasong pandarambong noong 2012 pero pinalaya ni Duterte noong Hulyo 2006. Sa kabila ng hatol kay Imelda noong 2018, hindi siya pinaaresto ni Duterte. Lalo nilang pinasama ang marumi at madugong rekord ng paghahari ng mga dinastiyang Marcos at Duterte.