Pagsikil sa karapatan sa aborsyon sa US, sinalubong ng malawak na protesta
Sumiklab ang mga protesta sa mayor ng mga syudad sa US mula Hunyo 20 matapos baligtarin ng Korte Suprema ng US ang batas na nagtitiyak sa karapatan ng kababaihan na magkaroon ng opsyon sa aborsyon. Liban sa malalaking rali sa labas ng Korte Suprema sa Washington DC, nagkaroon ng mga pagkilos sa New York City, Los Angeles, Chicago, Austin, Houston, Nashville, Kansas City, Topeka, Tallahassee, Miami, Oklahoma, Boise, New Orleans at Detroit. Sa labas ng US, nagrali rin ang kababaihan sa Australia, Germany at United Kingdom.
Mariin nilang kinundena ang desisyon ng Korte Suprema na nagkakait sa kanila ng kanilang karapatan sa aborsyon na itinuturing na napaka-importanteng serbisyong pangkalusugan. Iginigiit nila ang prinsipyong “our bodies, our choice” (katawan namin, desisyon namin) at “we won’t go back” (hindi kami babalik) na pumapatungkol sa 50 taong tuluy-tuloy na pakikibaka ng kababaihan para rito.
Desisyong paatras
Sa botong 6-3, pinagtibay ng Korte Suprema ang isang batas sa Mississippi (isang estado sa US) na nagbabawal sa lahat ng klase ng aborsyon kung lampas na sa 15 linggong pagbubuntis ang isang babae. Tinawag na Gestational Age Act, ang batas na ito ay hinamon ng Jackson Women’s Health Center, ang kaisa-isang abortion clinic sa naturang estado, noong 2018. Nitong Hunyo, pinagtibay ng Korte Suprema ang naturang batas na kinikilala ngayong desisyong Dobbs v Jackson.
Hindi pa nasiyahan, sinundan ang desisyon sa pagbabaligtad sa makasaysayang desisyong Roe versus (laban) Wade (sa botong 5-4) at Planned Parenthood vs Casey sa dahilang walang sinasabi ang konstitusyon kaugnay sa aborsyon at sa gayon ay hindi ito karapatang ginagarantiyahan ng konstitusyon.
Bilang pampalubag-loob, sinabi ng husgadong si Samuel Alito, isa sa mga bumoto laban sa Roe versus Wade, na ibinabalik ng Korte Suprema sa mga lokal na upisyal ang awtoridad para itakda at “pamahalaanan” ang karapatan sa aborsyon.
Dulot nito, magiging iligal ang aborsyon sa halos kalahati ng mga estado sa US na walang ipinasang lokal na batas kaugnay dito. Sa 13 estado, magiging awtomatiko ang pagkriminalisa rito.
Ayon sa mga husgadong tumutol sa desisyon ng mayorya, ang pagbasura sa Roe v Wade ay katumbas ng pamumwersa ng estado sa pagbubuntis ng mga babae, kahit sa kapinsalaan ng kanilang katauhan at kalusugan. Tinanggal nito ang karapatan ng mga babae na magdesisyon para sa sariling kapakanan at para sa kanyang katawan. Isinapeligro nito ang iba pang pundamental na karapatang hindi direktang nakasulat sa konstitusyon, pero ginagarantiyahan at saklaw ng mga batayang karapatan tulad ng karapatan sa kontrasepsyon, kasal at pagtatalik sa pagitan ng parehong kasarian (same-sex) at iba pa.
Ano ang Roe v Wade?
Ang Roe v Wade ay isang makasaysayang desisyon ng Korte Suprema sa US na inilabas noong 1973 na naging salalayan ng karapatan sa aborsyon sa bansa. Ibinunsod ito ng kaso ni Norma McCorvey, na itinago sa pangalang Jane Roe, laban sa noo’y abugado ng estado na si Henry Wade. Kinasuhan noon ng mga abugado ni Roe ang estado ng Texas at iginiit na labag sa konstitusyun ang mga batas nito laban sa aborsyon.
Sa botong 7-2, kinatigan ng Korte Suprema si Roe, at sinabing saklaw ng 14th Amendment ng konstitusyon ng US ang pagkilala sa karapatan ng babae sa aborsyon bilang bahagi ng kanyang pundamental na karapatan sa pribasiya.
Gayunpaman, hindi absoluto ang karapatang pinagtibay ng korte. Sa desisyon nito, binigyang diin ang pagbabalanse sa kalusugan ng ina sa prenatal (nasa sinapupunan) na buhay. Sa gayon, naglatag ito ng mga kundisyon kung kailan at paano isasagawa ang aborsyon sa bawat antas ng pagbubuntis.
Sa nakaraang 50 taon, pinanghawakan ng mga progresibo at milyun-milyong kababaihan ang desisyong ito. Nagmumula ang karapatang ito sa pagkilala na ang isang fetus ay bahagi ng katawan ng babae, at sa gayon siya at siya lamang ang may karapatang magdesisyon kaugnay nito. Hindi siya maaring pwersahing ipagpatuloy ito, laluna kung nakapipinsala ito sa kanyang katauhan at kalusugan.
Muling pinagtibay ang desisyong Roe v Wade noong 1992 sa kasong Planned Parenthood v Casey.
Mula nang ilabas ang desisyon, at sa gitna ng tuluy-tuloy na mga atake rito, hindi ginawang batas ang Roe v Wade kahit sa mga panahong dominado ng partidong Democrat ang Kongreso at Senado. Sa halip, ipinaubaya ang pagsasabatas at pagtitiyak na hindi ito basta-bastang mapawawalambisa sa mga lokal na estado. Sa gayon, nanatili itong target ng pagpapabaliktad ng mga sektor at institusyon na kontra-aborsyon na pinangungunahan ng simbahang Katoliko. Napabaliktad ito sa Korte Suprema ngayong taon matapos maiupo rito ang mga husgadong itinuturing na “konserbatibo” at nagtataguyod sa doktrina ng simbahan.
Pangangalagang pangkalusugan ang aborsyon
Ang aborsyon ay isang simple at komun na operasyong medikal (medical procedure) na itinuturing ng World Health Organization bilang esensyal na bahagi ng serbisyong medikal. Ito ay ligtas kapag isinagawa sa tamang paraang angkop sa antas ng pagbubuntis, at ng taong may karampatang kasanayan.
Maraming dahilan kung bakit nagpapa-abort ang isang babae. Kabilang dito ang palpak na kontrasepsyon, kawalan ng akses sa kontrasepsyon, panggagahasa, incest (relasyong sekswal sa pagitan ng malapit na magkakamag-anak), karahasan sa kamay ng kapareha (partner), mga anomalya o malformation sa fetus, pagkakasakit sa panahon ng pagbuntis at iba pa. Isinasagawa rin ito kapag nasa panganib ang buhay ng isang babae dulot ng mga kumplikasyon sa pagbubuntis at panganganak.
Sa US, itinuturing ng mga espesyalistang duktor sa kalusugan ng kababaihan (American College of Obstetrician and Gynecologists) na esensyal na bahagi ng pangangalagang medikal ang aborsyon. Bahagi ito ng kanilang pagsasanay, praktika at nagpapatuloy na pag-aaral. Tulad ng ibang usaping medikal, ang desisyon kaugnay sa pagpapa-abort ay dapat iatang sa pasyente, sa pakikipagkonsulta sa kanyang duktor, at dapat hindi pinanghihimasukan ninuman o ng anuman (laluna ng estado). Ayon sa asosasyon, “nararapat (entitled) bigyan ng pribasiya, dignidad, respeto at suporta ang mga babaeng pumipiling magpa-abort.”
Sang-ayon din ang asosasyon ng mga duktor na nag-eespesyalisa sa kalusugan ng mga bata at tinedyer (American Academy of Pediatrics) na sumusuporta sa pagbibigay ng “kumprehensibo, nakabatay-sa-ebidensya na serbisyo sa kalusugan sa reproduksyon, kabilang ang aborsyon” sa mga tinedyer. Malaki ang epekto ng pagbabawal sa aborsyon laluna sa mga bata at tinedyer na nabubuntis, anila. (Ang relasyong sekswal sa pagitan ng bata at isang nakatatanda ay isang krimen at ang pakikipagtalik ng nakatatandad sa isang bata ay itinuturing na panggagahasa.)
Nangangamba ang mga duktor na magiging kriminal ang pagbibigay nila ng esensyal na serbisyong pangkalusugan.
Sanhi ng pagkamatay ng mga ina
Taun-taon, umaabot sa 13% ng mga maternal deaths (pagkamatay dulot ng panganganak) ay dahil sa di ligtas na aborsyon, ayon sa WHO. Pinakabulnerable rito ang mga kababaihan sa mga atrasadong bansa kung saan namamatay ang 220 sa bawat 100,000 na sumasailalim sa di ligtas na aborsyon. Noong 2012, umabot sa pitong milyong kababaihan ang naospital dulot ng mga kumplikasyong dala ng di ligtas na aborsyon sa mga bansang ito.
Ayon sa estadistikang WHO, hindi bumababa ang bilang ng isinasagawang aborsyon dulot lamang ng pagbabawal dito. Sa halip, tumataas ang bilang ng mga aborsyon na mapanganib sa buhay at kalusugan ng kababaihan.
Sa Pilipinas, hindi lamang mahigpit na ipinagbabawal ang aborsyon sa lahat ng kaso (kahit pa sa mga kaso ng rape, incest, pagbubuntis ng mga bata o sitwasyong pangkagipitan kung saan nanganganib ang buhay ng ina), maaari pang sampahan ng kasong kriminal ang 1) babae o batang nagpa-abort, 2) ang sinumang nagsagawa ng prosesong medikal o nagbenta o namigay ng “abortives” (gamot), at 3) sinumang nagbigay ng tulong o suporta sa operasyong medikal. Ang sinumang mapatutunayang nagpa-abort o tumulong sa pagpapa-abort ay maaaring ikulong nang hanggang anim na taon.
Sa ipinasang batas kaugnay sa reproductive health noong 2012, ginawang iligal ang lahat ng klaseng abortificient (gamot o kagamitan) na magdudulot ng pagkawasak ng fetus o humahadlang sa pag-abot ng fertilized na ovum (itlog) sa sinapupunan ng ina. (Sa US, ang ganitong gamot ay tinatawag na morning-after pill.) Liban sa anim na taong pagkakabilanggo, maaari ring pagmultahin ng hanggang ₱100,000 ang sinumang mapatutunayang nagpa-abort. Ito ay sa kabila ng pagkilala ng batas na may karapatan ang kababaihan na itakda (o limita) ang bilang ng kanilang mga anak.
Ayon sa isang pananaliksik noong 2013 ng Guttmacher Institute, hanggang 1,000 kababaihan sa Pilipinas ang namamatay taun-taon dulot ng di ligtas na aborsyon. Dahil sa limitado, kung meron man, na akses sa kontrasepsyon, halos kalahati ng pagbubuntis sa Pilipinas ay “hindi sinasadya” (unintended). Nanganganak ang mga nanay sa bansa na lampas sa bilang na gusto nilang anak. Pinakaapektado ang mga nanay ng pinakamahihirap na pamilya na sa abereyds ay may limang anak, kumpara sa abereyds na tatlo sa pangkalahatan.
Sa taya ng pananaliksik, nasa pagitan ng 22 at 31 aborsyon kada 1000 kababaihan ang naganap noong 2000. Ibig sabihin, maaaring umabot sa 610,000 aborsyon ang naganap sa Pilipinas noong 2012. Mataas ito kumpara sa mga karatig bansa nito sa Asia.
Pinakamalaking dahilan ng mga nagpapa-abort ng kawalang kakayahan o panggastos para magpalaki ng anak o dagdag na anak. Mahigit kalahati sa mga nasarbey ang nagsabing tama na ang dami ng kanilang mga anak o masyadong malapit sa edad ng sinundang anak ang pinagbubuntis. Sangkatlo ang nagsabing hindi suportado ng kanilang partner ang pagbubuntis o di kaya’y masyado pa silang bata para maging ina. May 13% na nagsabing nagpa-abort dahil resulta ang kanilang pagbubuntis ng pwersahang pakikipagtalik. Dalawang sangkatlo (2/3) ng kababaihang nagpa-abort ay mula sa mahihirap na pamilya.
Liban sa pagkamatay, 80% sa mga sumasailalim sa di ligtas na aborsyon ay dumanas ng kumplikasyon. Ang 46% sa mga kasong ito ang maituturing na seryoso.