Pagtatalaga ni Duterte ng mga upisyal bago mag-eleksyon, batbat ng anomalya
Tatlong upisyal ng Commission on Elections, isang huwes sa Court of Appeals at isang kagawad ng Civil Service Commission ang “huling minutong” itinalaga ni Rodrigo Duterte sa natitirang buwan ng kanyang termino. Ang mga ito, kasama ng mga nauna nang itinalaga niya sa mga independyenteng komisyon at korte, ay magsisilbi sa reaksyunaryong estado lampas ng kanyang termino.
Ang mga ito ay binansagang “midnight appointment.” Tinatawag na “midnight appointment” ang pagkahirang sa isang pusisyong pulitikal sa panahong malapit na matapos ang termino ng isang humihirang.
Sa ilalim ng Section 15, Article VII ng 1987 Constitution, pinagbawalan ang Presidente na gumawa ng anumang paghihirang dalawang buwan bago ang eleksyong presidensyal at hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino. (Ibig sabihin, nagsimula ang pagbabawal noong Marso 9.)
Itinalaga ni Duterte sa Comelec sina Saidamin Pangarungan, George Erwin Garcia at Aimee Neri. Ipinwesto nila sa mga bakanteng pusisyon na iniwan sa Comelec nina dating Chairperson Sheriff Abas at dating mga komisyuner na sina Antonio Kho Jr. at Rowena Guanzon nang magretiro sila noong Pebrero. Isinapubliko ang kanilang pagkakatalaga noong Marso 9. Ayon sa kasalukuyang komisyuner na si James Jimenez, maaaring bumoto ang tatlo sa mga kasong nakasampa sa Comelec laban sa kandidatura ni Ferdinand Marcos Jr. (Si Kho Jr., na myembro ng parehong fraternity ni Duterte, ay itinalaga niya sa Korte Suprema noong Pebrero 23.)
Mabilis na naglabasan ang kaso ng anomalya at korapsyon ng mga itinalaga. Si Garcia ay abugado ni Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang protestang elektoral laban kay Vice Pres. Leni Robredo noong halalang 2016. Naging abugado rin siya ni Francisco “Isko” Damagoso, isa pang kumakandito sa pagka-pangulo.
Samantala, nabunyag na si Neri ay humaharap sa kaso ng pangingikil kung saan tumanggap siya ng ₱10 milyong suhol mula sa kilalang druglord na si Herbert Colanggo. Nagpalipat-lipat din siya ng ahensya sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Duterte — mula Bureau of Immigration tungong Department of Social Work and Welfare at ngayon sa Comelec. “Tanda ito ng kanyang kawalan ng propesyunalismo,” ayon kay Sen. Franklin Drilon. “Ang mabuti sa kanya, magtago na siya at kikilatisin ng mabuti ng Senado ang kanyang pagkakatalaga.” Pangako ni Drilon na hindi makauupo sa Comelec si Neri dahil sa mga alegasyon laban sa kanya.
Noong Marso 7, inanunsyo ang pagkakatalaga kay Jose Lorenzo dela Rosa sa Court of Appeals. Si de la Rosa ang salarin sa tatlong warrant sa tinaguriang “Bloody Sunday” na nagresulta sa pagpatay at pag-aresto ng mga aktibista sa Southern Tagalog.
Isa pa sa mga binabatikos ay ang paghabol ng pagtatalaga kay si Karlo Nograles, tagapagsalita ni Duterte, bilang pinuno ng Civil Service Commission noon ding Marso 7. Magtatagal sa pusisyon si Nograles hanggang 2029.#