Palalang militarisasyon sa kanayunan, inaasahan sa paglapit ng eleksyon

,

Nagbabala ang grupong Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura kahapon na iigting ang militarisasyon sa kanayunan sa huling dalawang linggo ng eleksyon. Anila, maaaring umulit pa, kung hindi man lumala, ang lansakang mga pag-aresto gaya ng ginawa sa humigit-kumulang 10 aktibista sa Timog Katagalugan matapos iredtag ni (Panfilo) Lacson ang campaign sortie ni (Leni) Robredo noong Marso 8 sa Cavite.

“Ang lumaban para sa lupa, binabaril. Ang maggiit para sa sahod, ginigipit. Ang sumuporta sa oposisyon sa kanilang kandidatura, sinusupil. Katambal ng mga landlord at korporasyon ang militar para yurakan ang kaunting natitirang demokrasya sa kanayunan,” daing ni Antonio Flores, presidente ng Unyon sa Manggagawa sa Agrikultura. “Sagabal ito sa pagpili ng masang anakpawis sa mga kandidatong nais nilang kumatawan sa kanilang interes.”

Panawagan ng Anakpawis, mag-“withdraw” ang lahat ng mga pasista mula sa anumang demokratikong espasyong pinapasok nila: si Ferdinand Marcos, Jr. na pumuposisyon sa Malacañang; ang samutsaring mga heneral na inilagak ng Executive Order 70 (EO70) sa sibilyang burukrasya ng pamahalaan; at ang kasundaluhang nanunupil sa mga magsasaka sa kanayunan.

“Bago pa mag-eleksyon, paulit-ulit na ang mga magsasaka’t manggagawang agrikultural sa pananawagang mag-withdraw ang militar mula sa aming mga komunidad,” paliwanag ni Ka Tonying. “Isinisigaw namin ito sa mismong mga sakahan, sa mga asyenda’t plantasyon, maski sa lansangan at mga tanggapan ng pamahalaan.”

Ang panawagang mag-withdraw ay reaksyon din ng grupo sa hamon ni Isko Moreno, kumakandidato pagkapresidente, na mag-withdraw na kandidatura si Leni Robredo, ang nangungunang kandidato sa oposisyon.

“Kahibangan ang hamon ni Isko Moreno kay Leni Robredo na umatras. Ang dapat paatrasin sa presidentiables ay ‘yung kandidatong pasista, mandarambong, kriminal, tax evader, at traydor sa pambansang kasarinlan—mga katangiang hindi katanggap-tanggap kaninoman. ‘Yan ang mga katangian ni Bongbong Marcos,” ayon pa kay Flores.

AB: Palalang militarisasyon sa kanayunan, inaasahan sa paglapit ng eleksyon