Palpak na pagtugon ng rehimeng Modi ng India sa Covid-19
Balita ngayon ang paglaganap ng mga panawagang #ResignModi, #SuperSpreaderModi, at #WhoFailedIndia sa social media para igiit ang pagbibitiw ni Prime Minister Narendra Modi dulot ng kanyang palpak na pagtugon nito sa pandemyang Covid-19 na nagresulta sa napakabilis na pagkalat ng bayrus sa India sa nakalipas na mga linggo. Sa ngayon, pumapalo na sa halos 18 milyon ang kabuuang kaso ng impeksyon at 201,187 na ang namatay sa bansa dulot ng Covid-19. Mahigit 6 milyon sa mga kasong ito ay naitala lamang ngayong buwan. Kahapon, iniulat ng India na nakapagtala ito ng 360,960 bagong kaso ng impeksyon habang 3,293 naman ang namatay sa loob ng 24 oras. Ito na ang pinakamataas na naitalang bagong kaso ng impeksyon kada araw sa buong mundo.
Ang India na ang tinatawag na “epicenter” (o nasa sentro) ng Covid-19 sa buong daigdig matapos lagpasan nito ang bilang ng mga kaso sa US. Pang-apat na itong bansa na may mahigit 200,000 ang namatay dulot sa Covid-19 — kasunod sa US (573,000), Brazil (395,000) at Mexico (215,500). Ayon sa World Health Organization, tinatayang 28% ng mga bagong kaso ng Covid-19 sa buong mundo ay nasa India.
Pangunahing itinuturong dahilan sa pagkalat ng bayrus sa bansa ang tinaguriang mga “super-spreader event” o malalaking pagtitipong pulitikal at relihiyoso na pinahintulutan ng rehimeng Modi na hindi istriktong ipinatutupad ang mga protokol pangkalusugan gaya ng pagsusuot ng face mask at pagmamantine ng social distance. Sa pagmamalaking “kontrolado” na nito ang pandemya, pinahintulatan ang mga raling elektoral at relihiyosong mga pagtitipon sa Ganges River na nilahukan ng milyun-milyong indibidwal na walang kaukulang pag-iingat.
Kasabay ng pagdami ng mga pasyente, lumubha rin sa nakalipas na mga linggo ang kakulangan sa mga pasilidad at kagamitang medikal sa mga ospital sa India, pangunahin na ng suplay ng mga tangke ng oxygen. Noong nakaraang linggo, una nang inianunsyo ng direktor ng Center for Disease Dynamics, Economics and Policy sa New Delhi na wala nang suplay ng oxygen at kama sa mga ospital para sa mga pasyente. Naiulat na pinipilit ng ilang ospital na pagkasyahin sa kada kama ang tatlong pasyente. Marami rin ang namamatay na lamang sa pila sa mga ospital nang hindi nakatatanggap ng lunas. Naiulat din na nagsisimula nang matunaw na ang mga crematorium sa bansa dahil sa dami ng mga bangkay na kinakailangang gawing abo.
Kaugnay nito, lumalaganap din sa social media ang #CovidSOS para manawagan ng tulong na internasyunal na komunidad sa pamamagitan ng pagpapadala ng suplay ng oxygem.
Ikinababahala rin ngayon sa buong daigdig ang pagsulpot ng bagong baryant ng Covid-19 na B.1.617 na unang natuklasan sa India at binansagang “double mutant.” Pinaniniwalaang mas nakahahawa ito at pinag-aaralan pa sa ngayon kung mabisa ba ang kasalukuyang mga bakuna laban dito. Dahil dito, maraming mga bansa na ang nagpatupad ng pansamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga byaherong mula sa India, kabilang ang Pilipinas.