Palyadong mga airstrike sa Cagayan, perwisyo sa mga sibilyan
Tanda ng kawalang pakundangan (indiscriminate) ng mga pambobomba ng AFP, tatlo sa apat nitong mga airstrike na isinagawa sa Cagayan mula Setyembre 2021 hanggang Pebrero ngayong taon ay palyado at bigong tumama sa sinasabi nitong mga target na yunit ng Bagong Hukbong Bayan at sa halip ay nagdala ng perwisyo sa taumbayan.
Sa isang kaso, mga nag-ooperasyong pulis ang tinamaan ng mga bomba nito. Para pagtakpan ang kapalpakang ito, nag-imbento ang AFP ng mga sagupaan kung saan pinalalabas nitong mga Pulang mandirigma ang mga napatay.
Ayon sa ulat na natanggap ng Ang Bayan nitong Hulyo, sa tatlong beses na naghulog ng bomba sa bayan ng Sta. Teresita, isa rito ay tumama sa isang platun ng Regional Police Safety Battalion. Nag-ooperasyon noong Setyembre 28, 2021 ang naturang platun sa Barangay Aridawen nang bombahin sila ng AFP. Naka-“disguise” o nagpanggap noon ang mga pulis na mga Pulang mandirigma. Ayon sa mga residente sa lugar, di bababa sa 20 ang kaswalti sa pambobomba. Pinalabas ng AFP na tatlong Pulang mandirigma ang napatay gayong walang yunit ang BHB sa lugar sa panahong iyon.
Bago nito, ibinalita na ng BHB-Cagayan ang pagkasawi ng limang Pulang mandirigma sa airstrike na isinagawa sa Dungeg, Sta. Teresita noong Setyembre 21, 2021.
Noon namang Pebrero 4, sa Sityo Tagcar, Barangay Mission sa parehong bayan, naghulog ng bomba ang AFP sa sanga ng Mission River. Isinagawa ito nang araw. Nasira nito ang mga taniman ng mga katutubong Aggay at mga setler na Ilocano at Bicolano na nakatira sa sityo.
Noong Enero 29, nambomba rin ng AFP sa paanan ng Mt. Cagua sa Sityo Maging, Barangay Sta. Clara sa bayan ng Gonzaga nang alas-3 ng madaling araw. Tinamaan nito ang mga kubo ng maliitang mga minero sa tabing ilog. Sa taya ng mga residente, ipinagkamali ng AFP na kampuhan ng BHB ang pwesto ng mga minero dahil “nakahilera” ang mga kubo nito sa ilog at gumagamit ng generator. Pinalabas ng AFP na mga Pulang mandirigma ang kanilang tinamaan.
Noong Pebrero 28, hinarang ng mga pulis ang fact finding mission na papunta sa Sta. Clara para imbestigahan ang insidente ng pambobomba at maghatid ng relief sa mga apektadong sibilyan. Inaresto ng mga pulis ang nanguna sa misyon na si Agnes Mesina ng Makabayan-Cagayan. Dahil dito, hindi nakatuloy ang tim sa lugar.