Pamamaril sa grupo ng mga Lumad at ni Ka Leody sa Bukidnon, umani ng kundenasyon
Kinundena ng maraming grupo, kabilang ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang pamamaril ng mga bayarang goons ng pamilyang Lorenzo sa grupo ng mga Lumad at sa grupo ng kandidato sa pagkapangulo na si Ka Leody de Guzman, sa Barangay Butong, Quezon sa Bukidnon noong Abril 19.
Papunta ang mga Lumad na kabilang sa Kiantig Manobo-Pulangihon Tribal Association sa kanilang lupa para muling okupahin ang 4-ektaryang lupain doon nang paputukan sila. Lima ang napabalitang nasugatan sa 15-minutong pamumutok. Nakunan ng bidyo at naibrodkas ang insidente ni David D’ Angelo, kandidato pagkasenador, habang nagaganap ito.
“Ang karahasang ito ay hindi lamang lantarang paglabag sa election gun ban,” ayon sa grupong Karapatan. “Ito ay walang kahihiyang pang-aatake na ang layunin ay takutin ang katutubong Manobo-Pulangiyon na naggigiit sa kanilang mga karapatan sa lupang ninuno laban sa pang-aagaw ng lupa.”
Kinundena rin ni Neri Colmenares ang pamamaril. “Walang lugar ang ganitong klaseng dahas sa ating lipunan, may eleksyon man o wala,” aniya. “Kailangan pigilan ang ganitong sistemang nanggigipit sa ating mga katutubo, at marapat na kilalanin ang kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno.”
Sa harap nito, nanawagan ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) para sa kagyat na pag-aresto sa mayor ng Quezon na si Pablo Lorenzo III na siyang tinuturong amo ng mga bayarang goons. Si Lorenzo rin ang itinuturong utak sa pagpaslang kay Renato Anglao, noo’y pangkalahatang kalihim ng Tribal Indigenous Oppressed Group Association o Tindoga noong Pebrero 3, 2017. Inagaw ng pamilyang Lorenzo ang noo’y lupang ninuno ng mga taga-Tindoga na ginawang Montalvan Ranch ng meyor.
“Kung gaano kahaba ang kasaysayan ni Lorenzo ng pandadahas sa mga katutubo ng Bukidnon para agawin ang kanilang lupa, gayundin kahaba ang kasaysayan ng pagbubulag-bulagan ng National Commission on Indigenous Peoples sa pang-aapi ng mga landgrabber sa kanila,” ayon kay Ka Tonying Flores, pinuno ng UMA.
Ayon pa sa UMA, mahalagang itampok ang usapin ng lupa sa eleksyon. “Ang kawalan ng lupa ay isyung kinakaharap ng malawak na sektor ng anakpawis, at ang kagutumang hatid nito ay suliraning kinakaharap ng buong bansa,” anito. “Hindi dapat takasan ng mga kandidato ang usapin ng tunay na reporma sa lupa, kabilang ang pangangalaga nito sa mga lupang ninuno.”
Ayon sa PKP, ang pamamaril sa grupo ng mga Lumad at kay de Guzma ay hindi isang isolated na kaso. “Ang mga lupang ninuno ng mga grupong Lumad sa Mindanao, gaya ng iba pang grupong minorya, ay marahas na inaagaw at dinarambong ng malalaking kumpanya sa mina at plantasyon, at para bigyan-daan ang mga proyektong ekoturismo, enerhiya, dam at iba pang imprastruktura.”